Marso 9, 2019, Daet, Camarines Norte. Patay ang dalawang indibidwal matapos araruhin ng isang truck ang kinasasakyan nilang motorsiklo sa porsyon ng Barangay Road ng Colasi sa bayan ng Mercedes mga dakong alas sais ng hapon, Marso 7, 2019.

Kinilala ang dalawang biktima na sina Nicole Pamesa, 15 taong gulang (driver ng motor) at Berna Pamesa, 44 taong gulang (angkas ng nasabing motor). Ang dalawang biktima ay pawang mga residente ng nasabing barangay.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, parehong binabagtas ng nasabing truck at motorsiklo ang daan mula Purok 6 patungong Purok 1 ng nasabing barangay. Nang makarating ang dalawang sasakyan sa Purok 1, Barangay Colasi ay bigla umanong nawalan ng preno at kontrol ang driver ng truck, dahilan upang masagasaan nito ang nasa unahang motorsiklong kinasasakyan ng mga biktima.

Nagtamo ng malalang tama sa katawan ang dalawang biktima matapos tumilapon sa lupa bunsod na rin ng malakas na pagkakabangga ng truck sa kanilang sasakyan. Tinangka pang isugod sa ospital ang mga biktima ngunit idineklara na itong dead on arrival.

Samantala, ang driver naman ng truck na si Roberto Rafael ay kasalukuyang nagpapagaling sa ospital matapos magtamo rin ng mga sugat sa nasabing insidente. Kahaharapin ng suspek ang kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide dahil sa pagkamatay ng mga biktima sa nasabing aksidente.

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News