Marso 17, 2019, Daet, Camarines Norte. Handang handa na ang buong pamunuan ng Mabini Colleges Inc. sa paghost ng Harapan 2019 debate “a student voters’ forum” para sa mga tumatakbong provincial at municipal candidates ng lalawigan ng Camarines Norte at bayan ng Daet.

Kasado na para bukas (Marso 18,2019) sa ganap na ala-una ng hapon (1 pm) sa Mabini Colleges quadrangle ang bakbakan at sagutan ng mga nasabing kandidato sa pagka-gobernador, bise gobernador, kinatawan ng una at ikalawang distrito ng lalawigan, pati na rin ang mga tumatakbo para sa pagka-alkalde at bise alkalde ng bayan ng Daet.

Ang nasabing debate ay isinasagawa tuwing panahon ng halalan ng Mabini Colleges Supreme Student Council upang mas makilala pang lalo ang personalidad at mga plataporma ng bawat tumatakbong kandidato sa panlalawigan at pambayang halalan.

Ang Harapan 2019 ay nahahati sa limang round. Una ay ang kanilang pambungad na mensahe, pangalawa ang Harapan sa Kalaban na kung saan bibigyan ng pagkakataon ang bawat isa na magkomento sa sagot ng kanyang katunggali, pangatlo ang Harapan sa Kabataan na kung saan ang mga tanong ay magmumula sa mga piling mag-aaral, pang-apat ang Harapang Mabilisan na kung saan kinakailangan lamang ang mabilis na tugon ng bawat kandidato sa mga tanong na ibabato sakanila, at panghuli ay ang kanilang pangwakas na pananalita.

Ang Harapan 2019 debate ay bukas para sa iba’t ibang mga mag-aaral ng lalawigan ng Camarines Norte. Kinakailangan lamang na magdala ng valid I.D para na rin sa personal na seguridad ng buong aktibidad.

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News