Marso 17, 2019, Daet, Camarines Norte. Aabot sa labingsiyam (19) na naggagandahang kandidata ang pormal na ipinakilala sa publiko kanina lamang na tanghali sa Media Presentation ng Search for Environmental Princess: Miss Teen Camarines Norte 2019. 

Ang nasabing beauty pageant ay kaugnay ng selebrasyon ng Bantayog Festival at 99th foundation anniversary ng Camarines Norte. Punong abala sa selebrasyon ang pamunuan ng JCI-Daet Bulawan na pinangungunahan ni Ms. Yvette Marie Sayno sa pakikipagtulungan na rin ng LGU Camarines Norte at Provincial Tourism Office. 

 

Layunin ng patimpalak na pumili ng mga kabataang kababaihan na may pagmamalasakit at pagmamahal sa kapaligiran. Sa mensahe ni Camarines Norte Provincial Tourism Officer Mariano Bong Palma, sinabi nito na bagama’t hindi lahat ay maaaring manalo, ang mahalaga ay ang aral na kanilang matututunan sa pagsali nila sa nasabing kumpetisyon.

Dagdag pa ni Palma, ang nasabing kumpetisyon ay maaring magdevelop ng kanilang social skills at interpersonal communication upang sila ay lumaking career driven at independent. Pinasalamatan din niya ang lahat ng mga magulang na patuloy na sumusuporta sa kanilang mga anak na kandidata at sinabing ang pagsali sa nasabing patimpalak ay isa sa mga highlight ng kanilang mga “istorya ng buhay”.

Samantala, masasaksihan ang Coronation Night ng Miss Teen Camarines Norte 2019 sa April 16 sa Camarines Norte Agro Sports Center.

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News