Marso 20, 2019, Daet, Camarines Norte. Mainit ang naging pagtanggap at pagsalubong ng mga mananampalatayang katoliko sa lalawigan ng Camarines Norte kay Most Reverend Rex Andrew C. Alarcon matapos ang kanyang pagkakaluklok bilang ika-apat na obispo ng Diyosesis ng Daet.

Sa isang solemneng selebrasyon sa loob ng Katedral ng Diyosesis ay pormal na itinalaga si Alarcon bilang bagong tagapamahala sa mga mananampalatayang katoliko sa buong lalawigan. Ang nasabing pagtitipon ay tinatawag na  Canonical Possesion o ang pagtatalaga sa isang obispo na maging lingkod ng buong diyosesis.

 

Photos Above: Ang mainit na pagsalubong at pagtanggap ng mga mamamayan at lokal na pamahalaan ng lalawigan ng Camarines Norte kay Bishop Rex Andrew Alarcon. 

Ang naturang pagdiriwang ay dinaluhan ng mga kamag-anak ni Alarcon at mga opisyal ng gobyerno, kasama na rin ang mga obispo, kaparian, madre, misyonero,at mga layko galing sa iba’t ibang diyosesis sa Pilipinas. Dumalo rin sa pagdiriwang sina Caceres Archbishop Rolando Tirona, Apostolic Nuncio to Australia Archbishop Adolfo Tito Yllana, at Apostolic Nuncio to Philippines Archbishop Gabriele Giordano Caccia.

Sa mensahe ng pagtanggap ni Alarcon ay binalikan nito ang kanyang buhay bilang isang batang pinanganak sa bayan ng Daet. Ayon sa obispo, apat na taong gulang siya ng sila ay lumipat sa lungsod ng Naga ngunit bagama’t sa Naga na naninirahan ay palagi umano silang bumibisita sa bayan ng Daet. Ibinahagi rin niya ang naging papel ng bayan sa mga importanteng kaganapan sa kanyang buhay katulad ng kanyang unang sotana na sa bayan ng Daet umano ginawa, pati na rin ang paghingi niya ng payo at referral sa kura paroko ng San Juan Bautista bago siya pumasok ng seminaryo.

 

Photos Above: Si Bishop Alarcon kasama ang mga layko, mga pari ng diyosesis, mga kapwa obispo at mga kamag-anak. 

Dagdag pa ng Obispo, kung noon ay palagi lamang silang bumibisita sa bayan, ngayon ay naririto na siya upang pormal na umupo sa Diyosesis at hindi upang bumisita lamang. Sa kanya ring mensahe ay pinasalamatan ni Alarcon ang lahat ng mga taga Camarines Norte dahil sa kanilang mainit na pagtanggap at pagsuporta. Batid umano niya na sabik na ang mga ito sa isang obispo sa kadahilanang dalawang taon ring nabakante ang nasabing diyosesis. Nagpasalamat rin ang obispo sa kanyang mga kapwa obispo na personal pang bumiyahe upang masaksihan ang kanyang Canonical Possesion.

Photo above: Si Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Gabriele Giordano Caccia at Caceres Archbishop Rolando Tirona. 

Sa pagtatapos ay nagbahagi ang obispo ng isang napakagandang kataga: ” To love is not just about saying I love you, but also by saying I want to accompany you. To love is not just about giving bread to someone, but also by breaking and eating the same bread at the same table with that someone.” Sinabi ng obispo na nais niyang samahan ang mga mananampalataya sa Diyosesis ng Daet sa kanilang paglalakbay sa buhay pananampalataya. Ang mga mananampalatayang katoliko sa buong lalawigan ay inaanyayahang ipagdasal ang pagiging matagumpay ng panunungkulan ng bagong upong obispo ng Diyosesis ng Daet.

*photos taken by Edwin Datan Jr. 

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News