Marso 23, 2019, Daet, Camarines Norte. Humihiling ang mga motorista sa Camarines Norte ng dagdag na mga emission testing center dahil umano sa madaling araw pa lamang ay puno na ang mga ito.

Ayon sa mga motorista, pagdating alas otso ng umaga ay wala ng serbisyo para sa mga kadarating pa lamang at nakakadismaya pa umano na kinakailangan pa nilang bumalik kinabukasan para maabot ng serbisyo.

Malaking abala umano para sa isang namamasadang driver ang kakulangan ng mga  emission testing centers, bukod pa sa dalawang land transportation satellite office lamang ang nagbibigay serbisyo sa labindalawang bayan ng buong lalawigan ng Camarines Norte.

Dagdag pa ng mga motorista, sa sitwasyon ngayon ay halos domoble na ang mga bilang ng mga bagong modelo ng mga sasakyan sa lalawigan kayat halos gumugugol ng isa hanggang dalawang araw na kumpletong pagrerenew ng anumang uri ng licenses ang bawat motorista. Hiling ng mga ito sa pamahalaan na sana ay matugunan ang pangagailangan sa pamamagitan ng dagdag na mga L.T.O offices at emission testing centers sa lalawigan.

Samantala, anim na emission testing centers sa Pilipinas ang sinuspinde sa kanilang operasyon base sa nakitang paglabag ng mga ito.

  1. Cotabato Emission Diagnostic Testing Center – Midsayap, Quezon Ave., Poblacion 8, Midsayap
  2. Blue Circle Private Emission Testing Center – 2nd East Extension, Tubo, Iligan City
  3. B and B Emission Test Center – B1 Sasa Commercial Center, Km. 11, Sasa, Davao City
  4. Palomino Private Emission Test Co. – Zone 1, Bantiles, Bugo, Cagayan de Oro City
  5. Alfonso Lista Emission Testing Center – Sta. Maria Alfonso Lista, Ifugao
  6. MDS Emission Testing Center – Baloc, Sto. Domingo, Nueva Ecija

Ang suspensyon na ipinataw ng Department of Transportation sa mga nabanggit na emission testing centers ay magtatagal ng siyamnapung araw.

 

Orlando Encinares

Camarines Norte News