Ang mga personnel ng Municipal Fire Station ng bayan ng San Lorenzo Ruiz sa isinagawang lecture sa Fire Safety sa mga Senior High School bilang bahagi sa mga gawain kaugnay sa paggunita ng Fire Prevention Month ngayong buwan ng Marso.

Marso 26, 2019, Daet, Camarines Norte. Higit pang pinaigting ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Camarines Norte ang kampanya kontra sunog sa pamamagitan ng mga isinasagawang aktibidad kaugnay sa pagdiriwang ng Fire Prevention Month ngayong buwan ng Marso na may temang “Ligtas na Pilipinas ating Kamtin, Bawat Pamilya ay Sanayin, Kaalaman sa Sunog ay Palawakin”.

Sa nasabing aktibidad ay isinagawa ng mga Municipal Fire Station (MFS) ng bawat bayan ang open house na nagpapakita ng mga gawain ng BFP kasama na ang mga uniporme nito, mga kagamitan at pangtatanghal ng palabas, photo booth at eksibit ng mga larawan. Nagsagawa rin ang nasabing mga municipal fire stations ng pagsasanay sa mga paaralan o edukasyon sa sunog batay sa hazard identification and mapping, inventory of hygiene kits at iba pang kagamitan.

Ito ay upang matutunan ng mga mag-aaral ang pag-iingat sa sunog at para na rin maiwasan, malaman, at mabawasan ang pinsala na dulot ng mga ito. Nagkaroon din ng poster making, drawing at essay writing contest sa mga paaralan ganundin ang fire safety lecture, bucket relay at tamang pagbebenda sa sugat o pinsala.

Ang mga personahe naman ay namahagi ng Fire Safety leaflets, demonstrasyon sa tamang paggamit at paghawak ng fire extinguisher, lecture sa mga empleyado na nagpapaalala sa lahat tungkol sa mga panganib ng sunog at mga paraan kung paano maiiwasan ito.

Nagsagawa rin ng programa sa radyo para magbigay ng edukasyon sa sunog at maipalaganap ang lahat ng aktibidad sa pag-iwas sa panganib upang bigyan ng kamalayan ang publiko, maprotektahan ang kanilang mga sarili, pamilya at ang kanilang mga kagamitan.

Lumahok din ang mga paaralan sa Fire and Eartquake Drill ng BFP kaugnay sa kahandaan ng mga mag-aaral tungkol dito pati na rin ang kahusayan sa pagresponde para sa kaligtasan sakaling magkaroon ng sakuna ganundin ang matutunan ang tamang paggamit ng pamatay sunog.

Samantala, patuloy na ipinaapaalala pa rin ng BFP ang pag-iingat sa sunog kaugnay sa pinaigting na kampanya sa pamamagitan ng Fire Safety Awareness Campaign na maging alerto at handa sa ating mga tahanan at sa ating mga sarili dapat na mag-umpisa ang pag-iingat.

 

Reyjun Villamonte 

Camarines Norte News