Marso 26, 2019, Daet, Camarines Norte. Matagumpay na nagsagawa ang ilang biker enthusiasts sa Camarines norte ng isang funbike fund raising activity upang makatulong at makalikom ng pondo sa isang kidney transplant patient na si Mac Christian Mogas, isang barangay kagawad sa bayan ng Mercedes, Camarines Norte.

Dahil sa mataas na gastusin sa pampaospital at kakailanganing gamot ay halos di na kinayang balikatin ito ng mga kamag anak ni Mogas kung kaya humingi ito ng tulong sa ilang cycling group sa nasabing bayan. Di naman nag atubili ang mga ito at maging ang local government unit ng bayan ng Mercedes na tumulong sa nasabing indibidwal.

Maluhaluhang tinanggap ni Mogas ang naipong pondo upang kahit paano ay makatulong sa kanilang gastusin.

Aabot sa apat na bayan o halos dalawamput tatlong kilometro ang tinahak ng mga bikers sa nasabing funbike activity. Ang nasabing aktibidad ay dinaluhan ng humigit kumulang dalawandaang biker enthusiasts sa buong lalawigan ng Camarines Norte.

Sa pagtatapos ay namigay ng ilang souvenirs item at libreng pagkain sa mga participants ang mga organizers ng funbike bilang handog pasasalamat sa matagumpay na fund raising activity ng mga ito.

 

Orlando Encinares

Camarines Norte News