Marso 27, 2019, Daet, Camarines Norte. Magkakaroon na rin sa wakas ng Elevator facility ang munisipyo ng bayan ng Daet, yan ay matapos kumpirmahin ni Councilor Joan Kristine Tabernilla-De Luna ang pagdating ng mga nasabing kagamitan para sa gagawing elevator sa nasabing establisimyento.

Sa isang facebook post ng Konsehal ay ipinasilip nito ang mga bagong kagamitan para sa gagawing elevator sa munisipyo. Ayon sa konsehal, ang mga ito ay ilalagay upang mapakinabangan ng mga taong pumupunta sa bulwagang bayan partikular na ang mga Senior Citizen at PWD’s na hirap umakyat sa mga matataas na hagdanan.

Inaasahan na ang nabanggit na elevator facility ay makadadagdag sa morale ng mga mamamayan ng Daet dahil sa pagbabago sa kanilang munisipyo na siyang itinuturing na mukha ng isang bayan.

Ang nasabing proyekto ay parte ng agenda ng kasalukuyang alkalde na si Mayor Benito Ochoa upang mas gawing accessible ang Lokal na Pamahalaan ng Daet sa iba’t ibang uri ng mamamayan.

*photos from Councilor Joan Kristine Tabernilla-De Luna

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News