Marso 27, 2019, Daet, Camarines Norte. Nagsisimula na ang konstrukyon ng South Luzon Expressway (SLEX) toll road 4 na inaasahang  magbabawas ng byahe mula Maynila hanggang kabikulan ng halos tatlong oras. Ang nasabing kalsada ay may habang 66.74 kilometro na magdudugtong sa Santo Tomas, Batangas at Lucena city, Quezon Province. 

Ang nasabing proyekto ay nagkakahalaga ng 13.1 bilyong piso at parte ng Build, Build, Build Program ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Sa groundbreaking ceremony ng proyekto ay sinabi ni Secretary Mark Villar na mapapaikli ng nabanggit na expressway ang biyahe dahilan sa hindi na kailangang dumaan ng mga motorista sa Maharlika Highway.

Tinatayang aabot sa apat na oras ang kasalukuyang haba ng biyahe mula Santo Tomas, Batangas hanggang Lucena City, Quezon kung babaybayin ang National Road.  Sa pamamagitan umano ng SLEX extension project, magigi na lamang itong isang oras, dagdag ni Villar.

Ang nabawasang oras ng biyahe mula Batangas patungong Quezon province ay magreresulta sa mas maikli ring biyahe patungong Maynila. Ang nasabi ring kalsada ay inaasahang magdadala ng kaunlaran sa mga maliliit na bayan na madadaanan nito. Ang proyekto ay target na matapos ng DPWH sa taong 2022.

Samantala, pinag-aaralan na rin ng DPWH ang konstruksyon ng Quezon-Bicol Expressway na mas lalo pang magpapaikli sa biyahe patungong kabikulan.

*photos from DPWH facebook page

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News