Marso 29, 2019, Daet, Camarines Norte. Ipinapanukala ngayon sa Sangguniang bayan ng Daet ang pagbabawal sa paggamit ng skateboards at iba pang katulad nitong wheeled devices tulad ng longboard, roller blade, at scooter sa mga pangunahing kalsada ng buong munisipalidad.

Kaugnay nito ay isang public hearing ang ginanap kahapon sa Sangguniang bayan session hall upang dinggin ang iba’t ibang panig tungkol sa ipinapanukalang ordinansa. Ang nasabing hearing ay dinaluhan ng mga kinatawan ng iba’t ibang pampubliko at pribadong paaralan sa bayan ng Daet, pati na rin ng iba’t ibang barangay officials sa nasabing bayan.

Ayon sa panukalang ordinansa ni Councilor Judy Rose T. Gallardo, ang Sangguniang Kabataan President at Chairman ng Commission on Youth and Sports, mahigpit nang ipagbabawal ang paggamit ng mga skateboards at iba pang wheeled devices sa mga pangunahing kalsada ng bayan dahilan sa nakukumpromiso nito ang kaligatasan ng publiko.

Ang mga pangunahing kalsada umano ay hindi safe para sa nasabing mga gawain kung kaya’t kinakailangan nitong maregulate sa pamamagitan ng nasabing ordinansa. Nilinaw ni Gallardo na hindi ipagbabawal ang skateboarding sa buong bayan, bagkus ito ay ireregulate lamang upang mailagay sa mas maayos na lugar. Maari rin umanong magtalaga ang mga barangay ng mga lugar kung saan papahintulutan ang paggamit ng nasabing mga wheeled devices.

Samantala, nagbigay naman ng suhestyon ang ilan sa mga guro at barangay officials na dumalo sa nasabing hearing kaugnay ng mas maayos na pagpapatupad ng ordinansa tulad ng pagtatalaga ng eksaktong lugar na paglalaruan ng mga skaters at paglalagay ng ngipin sa implementasyon ng paghuli sa mga lalabag rito.

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News