Marso 29, 2019, Daet, Camarines Norte. Aabot sa dalawampung (20) indibidwal ang tumanggap ng bagong wheelchair sa “Gulong ng Pag-Asa” wheelchair distribution project na ginanap sa LGU Daet Covered court kahapon, Marso 28, 2019. 

Ang “Gulong ng Pag-Asa” ay isang regular project ng Crime and Corruption Watch sa pamumuno ni former Board Member Carlo Batalla ng Camarines Sur. Ang nasabing proyekto ay nakapagbigay na ng aabot sa 8,000 wheelchairs sa buong panig ng Pilipinas at planong magbigay pa ng mga karagdagang wheelchair sa mga darating pang panahon.

 

Katuwang sa pagdadala ng proyekto ay ang iba pang NGO’s sa lalawigan tulad ng Kiwanis Club of Reina Daeteña, at Bicol Press Club. Katulong rin sa nabanggit na proyekto ang LGU Daet at Provincial government of Camarines Norte. 

Sa mensaheng ibinahagi ni former Camarines Sur Board member Carlo Batalla, sinabi nito na ang mga PWD’s ay ang pinaka-neglected na sector sa lipunan kung kaya’t kinakailangan ng mga ito ng mas malawak pang pagkalinga. Ang kanya umanong grupo ay walang sawang naglilibot sa buong Pilipinas upang maserbisyuhan pa ng mas mabuti ang PWD sector sa bansa.

Bukod sa mga mismong benepisyaryo ng wheelchair ay nais rin umano nilang tulungan ang mga nag-aalaga sa mga PWD’s upang kahit papano ay maramdaman ng mga ito ang ginhawa. Pinakusapan rin ni Batalla na madalas na ipasyal sa labas ang mga PWD’s at sinabing ito na umano ang isukli sakanilang effort sa pagtulong sa mga may kapansanan.

Samantala, maluha luha-namang pinasalamatan ni Kiwanis Club of Reina Daeteña President Maria Eliza Llovit ang lahat ng mga tumulong upang madala ang nabanggit na proyekto sa mga taong may kapansanan sa bayan ng Daet. Bilang isa sa mga nagdala ng proyekto sa bayan, labis labis umano ang kanyang kasiyahan na makapagbigay ng serbisyong may puso sa kanyang mga kababayan.

Kaugnay rin nito ay humingi si Llovit ng suporta para sa kanyang kandidatura sa pagkakonsehal upang mas lalo pa umano siyang makatulong at makapagpasaya sa mga tao.

Kinumpirma rin ni Llovit na ang nasabing proyekto ay nasa first batch palang at marami pa umanong wheelchair ang kanilang dadalhin sa buong bayan, sa tulong na rin ng grupo ni Hon. Carlo Batalla.

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News