Abril 2, 2019, Daet, Camarines Norte. Hindi pa umano final at executory ang ipinalabas na kautusan mula sa 1st division ng COMELEC (Commission on Elections), iyan ay ayon na rin sa ilang beteranong abogado pagdating sa mga kaso ng election. Ayon kay Atty. Jorge Garcia, mahaba pa ang proseso na pagdadaanan ng kaso ni Tallado kung kaya’t wala pa umanong dahilan para masabing final na ang nasabing decision.

Dagdag pa ni Garcia, pwede pa umanong dalhin sa COMELEC En Banc ang nasabing kaso at kung hindi pa umano papalarin ang kampo ni Tallado ay pwede pa umano itong idulog sa kataas taasang hukuman o Supreme Court. Ayon pa sa nasabing abogado, hangga’t nakalagay sa balota ang pangalan ng Gobernador ay pwede pa umano itong iboto ng mga mamamayan ng Camarines Norte.

Si Garcia ay isa sa mga tanyag na election lawyer sa bansa at siya ring nagpanalo ng mga kasong diskwalipikasyon laban kina dating pangulong Joseph Estrada, Senator Grace Poe, Senator Migs Zubiri, Senator Koko Pimentel, at dating MMDA Chairman Francis Tolentino. 

Samantala, sinuportahan rin ni Atty. Dominador Ilan Ferrer Jr., isa sa mga legal counsel ng gobernador ang pahayag ni Garcia na hindi pa final ang nasabing decision ng COMELEC. Patunay umano rito ang pagbibigay pa ng limang araw upang sila ay makapagfile ng Motion for Reconsideration para mareverse ang nasabing kaso. Hangga’t may Motion for Reconsideration ay hindi pa umano maaaring ipatupad ang nasabing desisyon kung kaya’t malayo layo pa umano ang itatakbo ng kaso.

Ayon pa kay Atty. Ferrer, nais lamang lituhin ng mga kalaban ng Gobernador ang utak ng taumbayan sa pamamagitan ng pagpapalabas ng isang deisiyon na hindi pa final at executory. Muling iginiit ni Ferrer na tanging ang mataas na hukuman lamang ang makakapagpalabas ng final na desisyon sa nasabing kaso. Ayon pa sa abogado, nananatiling kandidato sa pagka gobernador si Tallado kung kaya’t walang dapat ipangamba ang mga nais bumoto sa gobernador sa darating na eleksyon.

Samantala, naghain na ng Motion for Reconsideration ang kampo ni Gobernador Tallado upang mareverse ang nasabing desisyon ng COMELEC.

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News