Abril 10, 2019, Daet, Camarines Norte. Patay sa pamamaril si Retired Police Senior Superintendent Ramiro Mendenilla Bausa kaninang mga bandang alas 3:20 ng hapon sa isang abandonadong bahay sa Purok 6, Barangay Cagbacong, Legazpi city. Si Bausa ay dating nagsilbi bilang PNP Provincial director ng Camarines Sur at ngayon ay kumakandidatong konsehal ng nabanggit na lungsod.

Ayon sa salaysay ng testigong si Joven Llanto, ang driver ng biktima, may binibisita lang umanong kaibigan si Bausa sa nasabing barangay ng bigla na lamang umalingawngaw ang ilang putok ng baril sa nabanggit na lugar. Ayon pa sa testigo, dalawang lalake umano ang lumapit sakanya at hinudyatan siya na umalis sa nasabing lugar ilang sandali bago maganap ang pamamaril.

Nagtamo ng tama sa ulo at ilang parte ng katawan ang biktima na siya nitong agad na ikinamatay. Sa ngayon ay patuloy nang pinaghahahanap ang mga may kagagawan ng krimen na ayon sa mga otoridad ay mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army.

Samantala, kinundena naman ng ilang mga mamamayan ng lungsod pati na rin ng mga dating nakasama ni Bausa sa serbisyo ang nasabing pagpaslang.

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News