Ang obispo kasama ang mga layko, kaparian at daan-daang kabataan ng Diyosesis ng Daet. Photo from Parokya ni San Rafael facebook page.

Abril 11, 2019, Daet, Camarines Norte. Pormal nang nagtapos kaninang umaga ang tatlong araw na pagtitipon ng mga kabataan sa buong diyosesis ng Daet. Sa pagkakataong ito ay pinili ang parokya ng San Rafael Arkanghel sa bayan ng Basud upang maging host ng nasabing pagtitipon na nagsimula pa nitong nagdaang Abril 9, 2019. 

Ang DYD o Diocesan Youth Day ay pagtitipon ng mga kabataan mula sa iba’t ibang parokya ng lalawigan upang matulungan ang mga ito sa pagpapalago ng kanilang pananampalataya. Tema ngayon ng pagtitipon ang “I am the Servant of the Lord, let it be done to me according to your word”, isang talata na nagmula sa mga binitiwang pahayag ni Maria nang siya ay dalawin ng Anghel.

Ilan sa mga tampok na aktibidad ng DYD 2019 ay ang mga plenary talks, parish booths, folk dance competition, voters’ education forum at iba pang mga workshops para sa kabataan. Dito rin ay nabigyan ng pagkakataon ang mga kabataan ng buong diyosesis na makadaupang palad ang katatalaga pa lamang na obispo ng Daet na si Most Reverend Rex Andrew Alarcon na siya ring pinakabatang obispo ngayon sa buong Pilipinas.

Samantala, inaasahan na marami pang mga aktibidad ang ilalatag ng simbahan para sa mga kabataan partikular ngayong Year of the Youth. Nakatakdang isagawa ang National Youth Day 2019 sa lungsod ng Cebu sa darating na April 23, 2019. 

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News