Abril 11, 2019, Daet, Camarines Norte. Patay ang isang lalake habang sugatan naman ang isang ginang matapos maganap ang isang insidente ng pananaksak dakong alas 10:30 kagabi sa Barangay Mampili sa bayan ng Basud, Camarines Norte. Kinilala ang nasawi na si Jessie Montuya, 46 taong gulang, residente ng nabanggit na lugar.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, sinamahan ng suspek na si Rex Garcia ang biktima pauwi sa kanilang bahay matapos manggaling ang mga ito sa isang inuman. Nang makarating umano ang dalawa sa basketball court ng nasabing barangay ay dito na sila nagkapikunan at nagsuntukan, bunsod na rin ng matinding impluwensya ng alak sa mga ito.

Nakakuha ng kutsilyo ang supek at agad na inundayan ng saksak ang biktima sa kanang parte ng katawan nito na siya nitong agad na ikinamatay. Samantala, sugatan naman ang ina ng biktima na si Amparo Montuya matapos nitong awatin ang pag-aaway ng magpinsan.

Sa ngayon ay patuloy pa ring hinahanap ng mga otoridad ang suspek matapos nitong tumakas pagkatapos ng insidente. Mahaharap si Garcia sa kasong pagpatay sa oras na ito ay mahuli ng mga pulisya.

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News