Abril 13, 2019, Sorsogon City. Nagsimula na ang tagisan at bakbakan ng iba’t ibang mga manlalaro sa opisyal na pagsisimula ngayon ng mga sport at non-sporting events sa 2019 Bicol PRISAA Regional Games sa lungsod ng Sorsogon. Ang Bicol PRISAA Games (Private Schools Athletic Association) ay isang taunang palaro na nilalahukan ng iba’t ibang mga manlalaro mula sa mga Private Educational Institutions sa buong rehiyon.

Aabot sa 1,500 na atleta at 20 private colleges and universities sa buong rehiyon ang maglalaban-laban ngayon sa mga event tulad ng basketball, volleyball, football, sepak takraw, boxing, swimming, taekwondo, gymnastics, chess, oratorical contest, dance sports, vocal solo and duet, beauty pageant, at iba pang mga sport at cultural events.

Sa mensahe kahapon ni PRISAA Bicol President Edgar Balasta, kanyang ibinahagi ang kanyang kasiyahang nararamdaman matapos ang positibong pagtugon at paglahok ng iba’t ibang mga pribadong paaralan sa buong rehiyon. Isa umano sa mga nais nilang gawin ay ang pagpapalawak pa sa bilang ng mga sumasali sa PRISAA Games upang mas maging masaya at masigla ang patimpalak para sa mga manunuod.

Ibinida rin ni Balasta sa kanyang mensahe ang malaking ambag ng PRISAA sa pagdiskubre at paglikha ng mga world class at competitive na mga atleta sa Pilipinas. Isa umano ang PRISAA sa mga recognized institutions ng Philippine Sports Commission na kilala sa grassroots program nito sa sports.

Samantala, ang lalawigan ng Camarines Norte ay inirerepresenta ng dalawang pribadong paaralan sa lalawigan partikular na ang Mabini Colleges Inc. at Our Lady of Lourdes College Foundation. 

Ang mga mananalong manlalaro sa Bicol PRISAA Games 2019 ay ang siyang magrerepresenta sa rehiyon sa paparating na 2019 National PRISAA Games sa Davao city. 

 

Blaise Henry E. Ilan 

Camarines Norte News