Abril 18, 2019, Daet, Camarines Norte. Natatangi at kakaiba ang ginawang pagsalubong sa mahal na araw ng mga kababayan nating siklista sa lalawigan ng Camarines Norte. Imbes kasi na isagawa sa pamamagitan ng tradisyunal na pamamaraan ang “Bisita Iglesia”, ay kanila itong isinagawa sa pamamagitan ng pagbibisikleta.

Ang Bisita Iglesia ay isang tradisyon ng mga katolikong pilipino na kung saan ang mga ito ay bumibisita sa iba’t ibang simbahan upang magnilay at manalangin. Kadalasan, tuwing araw ng Huwebes Santo isinasagawa ang tradisyon kasabay ng pagbisita sa labing apat na simbahan habang dinadasal ang “Daan ng Krus”.

To all bikers who joined our"BISIKLETA IGLESIA 2019"MARAMING MARAMING SALAMAT PO SA INYONG LAHAT. 🤗🤗🤗Next year po ulit 🙂

Posted by Sq Badaguas Bicycle Supply and General Merchandise on Wednesday, April 17, 2019

Ang nabanggit na aktibidad kanina ng mga siklista ay tinatawag na “Bisikleta Iglesia”, hango sa mga katagang “bisita sa pamamagitan ng bisikleta”. Sa nabanggit na aktibidad ay aabot sa 40 kilometro at pitong simbahan sa iba’t ibang panig ng lalawigan ang binaybay ng mga siklista kaninang umaga ng Huwebes Santo na kung saan tinatayang nasa halos dalawang daan (200) ang nakibisikleta at nakiisa sa aktibidad.

Ilan sa mga simbahang dinaanan ng nasabing aktibidad ay ang Most Holy Trinity Cathedral sa bayan ng Daet, St. Peter the Apostle Parish sa bayan ng Vinzons, St. Francis of Asisi Parish sa bayan ng Talisay, St. Raphael the Archangel Parish sa bayan ng Basud, St. John the Baptist at Our Lady of Penafrancia Parish sa bayan muli ng Daet, at St. Anthony De Padua Parish sa bayan naman ng Mercedes.

Nagtapos ang ruta ng mga siklista sa Bagasbas Beach na kung saan doon ay nagkaroong ng picture taking at simpleng salo salo ang mga nakilahok. Samantala, lubos naman ang pagpapasalamat ng organizer ng “Bisikleta Iglesia 2019” na si Shiela Badaguas, may-ari at manager ng SQ Badaguas Bicycle Shop, sa nakuha nilang partisipasyon at suporta mula sa mga siklista sa lalawigan.

Nabuo umano ang nasabing aktibidad sa kanilang pagnanais na bigyan ng kakaibang approach ang pagsasagawa ng bisita iglesia partikular sa mga mahilig mag-ehersisyo. Sa nasabing aktibidad kasi ay maari kang maging produktibo sa pamamagitan ng pag-eehersiyo at pagninilay tuwing semana santa. Ang nasabi rin umanong aktibidad ay kauna-unahan umano nilang inorganisa sa lalawigan ng Camarines Norte.

Sa kasalukuyan ay nasa ikalawang taon na ang pagsasagawa ng “Bisikleta Iglesia” sa Camarines Norte at plano pang umanong pagandahin at palawakin ng kanilang organisasyon sa mga susunod pang taon.

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News