Abril 20, 2019, Daet, Camarines Norte. Pinangunahan ni Obispo Rex Alarcon at ng mga kabataan ang pagninilay sa pitong huling wika ni Hesus kahapon ng biyernes santo sa parokya ng San Juan Bautista sa bayan ng Daet. Sa harap ng daan daang tao sa simbahan at mga nanunuod ng livestream ng nasabing aktibidad ay ibinahagi ng mga ito ang kanilang iba’t ibang karanasan na may kaugnayan sa isa sa mga huling wika ni Kristo.

Ilan sa mga nagbigay ng kanilang pagninilay ay ang Director at Asst. Director ng Commission on Youth ng diyosesis na sina Fr. Edwin Visda at Fr. Mandi Orido pati na rin ang ibang mga mag-aaral na naglilingkod sa nabanggit na parokya bilang mga youth leader. Isa sa mga tampok ay ang pagninilay sa ika-pitong wika ni Kristo na pinangunahan mismo ni Obispo Rex Alarcon, ang pinakabatang obispo sa Pilipinas.

Unang ipinaliwanag ni Alarcon ang pagkakaiba ng pagpapabaya at pananampalataya sa Diyos. Ayon sa obispo, madalas umanong gawin ng tao ang maling pag-asa sa Diyos sa pamamagitan ng pag-uugaling nakadepende sa “bahala na”. Ito umano ay hindi tunay na pananampalataya, bagkus isang pagpapabaya sa isang sitwasyon. Kinakailangan umanong samahan ng paggawa ang bawat bagay bago mo ito ipagkatiwala sa Panginoon, katulad ng ginampanang sakripisyo ni Hesus sa krus bago niya inihabilin ang kanyang kaluluwa sa Ama.

Binigyang diin rin ng obispo ang tunay na kahulugan ng sakripisyo. Ang tunay na pagsasakripsyo ay hindi lamang umano natatapos sa mismong pagsasagawa nito, bagkus, dapat ay handa ka rin na maging mismong sakripsyo, ang nag-aalay na siya ring iaalay, tulad ng ginampanan ni Kristo na siyang naging tagapagalay at naging alay para sa kaligtasan ng sangkatauhan.

Samantala, matapos ang mahigit isang buwan ng pagninilay ng Cuaresma ay nakatakdang ipagdiwang bukas ng milyon-milyong katoliko sa buong mundo ang kapistahan ng muling pagkabuhay ni Hesus.

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News