Abril 21, 2019, Daet, Camarines Norte. Unti-unti nang dumaragsa sa mga terminal ng bus upang bumalik sa kamaynilaan ang mga nagbakasyon sa lalawigan ng Camarines Norte sa pagtatapos ng long weekend dahil sa Semana Santa. Ayon sa mga pamunuan ng dalawang malaking bus company sa Camarines Norte, inaasahan na umano nila ang pagdagsa ng maraming bulto ng pasahero ngayong nagtapos na ang mahal na araw.

Nagdagdag na rin umano sila ng mga bus at oras ng byahe na umaalis sa bawat 15 minuto upang matugunan ang maraming bulto ng pasaherong pabalik sa kalakhang Maynila. Ayon pa rin sa mga pamunuan ng dalawang bus company, karamihan umano sa mga bus ay fully booked na bago pa man ang Semana Santa kaya’t inasahan na rin nila ang magiging epekto nito sa mga chance passengers.

Samantala, inabisuhan naman ng dalawang kumpanya ng bus ang mga pasahero na agahan ang pagtungo sa mga bus terminals upang masigurong hindi maiwan ng mga naka-schedule na byahe. Siniguro rin ng mga ito na kundisyon ang kanilang mga drivers at kundoktor upang masiguro ang ligtas na byahe ng kanilang mga pasahero.

Sa kaugnay na balita ay nakatakda nang isagawa ng MMDA and dry run sa pagbabawal ng mga provincial buses sa EDSA kung kaya’t inaantabayanan ng mga otoridad at maging ng mga publiko ang posibleng epekto nito sa sektor ng transportasyon.

 

Edwin Datan Jr.

Camarines Norte News