Abril 25, 2019, Daet, Camarines Norte. Tinawag na Band-Aid solution ni Ako Bikol Partylist Representative Alfredo Garbin Jr. ang ipapatupad na pagbabawal sa pagdaaan ng mga provincial buses sa EDSA. Ayon kay Garbin, wala umanong public consultation na naganap para ipatupad ang nasabing batas kung kaya’t ito umano ay isang labag sa due process o ang pagdaan ng nasabing batas sa kaukulang proseso.

Ayon pa sa Kongresista, ito umano ay dagdag pahirap sa mga mananakay galing sa timog na bahagi ng Pilipinas na kinakailangan pang bumyahe ng karagdagang 37 kilometro upang marating ang kanilang destinasyon. Tiyak umano ang inconvenience at dagdag gastos na idudulot nito partikular sa mga biyahero mula sa Bicol Region.

Samantala, kaugnay nito ay naghain na ng resolusyon ang AKO-Bikol Partylist upang pag-usapan sa Transporatation Committee ng Kongreso ang nasabing ipapatupad na batas. Dagdag pa ni Garbin, kinakailangang talakayin sa kongreso ang long term solution at tamang pagpapatupad ng mga batas trapiko ganundin ang pagpapatibay sa Mass Transportation system sa bansa.

Matatandaan na nitong nakaraang araw ay pinost ni Garbin sa social media ang kanyang pagsakay sa isang bus patungong maynila upang tingnan ang magiging sitwasyon ng pagpapatupad ng nasabing ordinansa.

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News