Abril 30, 2019, Daet, Camarines Norte. Nagbigay kulay at indak sa mga pangunahing lansangan sa bayan ng Daet ang katatapos lamang na Bantayog Festival Street Dancing competition (April 29, 2019) sa bayan ng Daet. Aabot sa sampung (10) kalahok mula sa walong festivals at munisipalidad ang nakisaya sa nabanggit na patimpalak ng LGU Camarines Norte.

 

Ilan sa mga festivals na sumali sa street dancing competition ay ang Kadagatan Festival ng Mercedes, Mananap Festival ng San Vicente, Tacboan Festival ng Vinzons, Pabirik Festival ng Paracale, Busig-on Festival ng Labo, Mambulawan Festival ng Jose Panganiban, Pinyasan Festival ng Daet, at Boyuboy Festival ng bayan naman ng San Lorenzo Ruiz. 

Tinanghal na Champion at nag-uwi ng dalawang daang piso (200,00) sa nabanggit na kumpetisyon ang Tacboan Festival ng bayan ng Vinzons, 1st Runner up naman ang Boyuboy Festival ng San Lorenzo Ruiz na siya namang nag-uwi ng 150,00 piso, at 2nd Runner up naman ang Busig-on Festival ng bayan ng Labo na tumanggap naman ng 100,000 piso.

Samantala nagbigay rin ng minor awards sa nabanggit na kumpetisyon kung saan tinanghal muli bilang Best in Costume ang Tacboan Festival ng Vinzons. Best in Music ang Mambulawan Festival ng bayan ng Jose Panganiban, Best in Moving Choreography ang Boyuboy Festival ng San Lorenzo Ruiz, at Best Festival Queen naman ang Pinyasan Festival ng bayan ng Daet.

Ang nabanggit na kumpetisyon ay dinagsa at tinunghayan ng napakaraming mamamayan sa lalawigan ng Camarines Norte, magi rin ng mga turista mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas. Ang Bantayog Festival Street Dancing Competition ay ang taunang patimpalak ng Pamahalaang Panlalawigan upang itampok ang mayamang kasaysayan at kultura ng mga bayan sa lalawigan ng Camarines Norte.

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News