Mayo 2, 2019, Daet, Camarines Norte. Nagpapatuloy ang magandang performance ng Bicol Region Delegation sa Palarong Pambansa 2019 na ngayon ay kasalukuyang ginaganap sa lungsod ng Davao. Ito ay matapos masungkit ng ilang mga atletang bikolano ang mga unang gold, silver at bronze medal sa ilang sport events tulad ng athletics, swimming, at arnis.

Si Lheslie De Lima matapos masungkit ang pinakaunang gold sa Palarong Pambansa 2019. Photo from DEPED Region V.

Nasungkit ni Lheslie De Lima ng Camarines Sur ang pinakaunang gold sa Palarong Pambansa matapos dominahin ang kanyang mga kalaban sa 1,500 at 3,000 meter run finals na ginanap sa University of Mindanao Complex sa nabanggit na siyudad. Wagi rin ng gold medals ang ibang atletang bikolano sa kani-kanilang events tulad ni:

  1. John Roy T. Sureta (Camarines Sur) – Boys Shot Put
  2. Dominic Belga (Albay) – Boys Shot Put
  3. Christian Villanueva (Camarines Norte) – 400 meter hurdles
  4. Leonilyn Compuesto (Masbate) – 100 meter dash
  5. Jasmine Bombita (Sorsogon) – Triple Jump Event
  6. Janice Nemi (Camarines Norte) 1,500 meter run
  7. John Lorenz Pesimo – 50 meter breast stroke (swimming)
  8. Joe Pelo and Justine Quililan – Arnis
  9. Rafael Siso Jr. – Arnis

Samantala, nabasag naman ni Jasmine Bombita ng Sorsogon ang record sa Triple Jump Event ng Palarong Pambansa matapos magtala ng 12.46 meters na kabuuang distansya mula sa lumang record na 12.35 meters. 

Photo above: Ang dalawang atleta mula sa Camarines Norte na sina Christian Villanueva ng bayan ng Vinzons at Janice Nemi ng bayan ng Labo matapos manalo ng gintong medalya sa athletics.

Maganda rin ang tinatakbo ng mga team sports sa nasabing palaro. Pasok na sa Semi-Final round ng 3×3 Basketball Girls ang Lady Vulcans matapos talunin ang Ilocos Region sa iskor na 12-8. Sunod na makakalaban ng nabanggit na koponan ang Central Visayas region para paglabanan kung sino ang aakyat sa Finals round.

Bicol Lady Vulcans 3×3 Basketaball team. Photo from DEPED Region V.

Samantala, sa pambihirang pagkakataon ay tinalo ng Bicol Region ang powerhouse team ng NCR sa Football secondary division sa iskor na 1-0. Isa ang Bicol Region ngayon sa mga nangungunang koponan sa football sa Palarong Pambansa matapos magtala ng 3 consecutive wins sa mga naunang round ng competition.

Sa kasalukuyan ay nasa ika-limang pwesto ang rehiyon pagdating sa overall medal count matapos magkamit ng 15 gold, 15 silver, at 20 bronze sa iba’t ibang events ng palaro. Matatandaan na noong nakaraang taon ay nagtapos lamang sa ika-13 na pwesto ang Bicol Region kung kaya’t maituturing ngayon na isang malaking improvement ang performance ng mga atletang bikolano sa Palarong Pambansa 2019.

*photos from DEPED Region V

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News