Mayo 5, 2019, Daet, Camarines Norte. Tinanghal muli bilang Miss Silka Bicolandia 2019 si reigning Miss Bantayog 2019 Katherece Anne Caleon sa katatapos lamang na regional pageant ng Silka Philippines na ginanap kagabi sa Agro Sports Center sa bayan ng Daet.

Ang nasabing pageant ay isang taunang kumpetisyon ng mga nagagandahang kababaihan mula sa iba’t ibang lugar sa Bicolandia. Ang nasabi ring pageant ay nilikha upang ipagdiwang ang natural na kagandahan ng iba’t ibang mga pilipina, sa pamumuno na rin ng buong management ng Silka Philippines. 

Samantala, sumentro naman sa pagbalanse sa pagpapahalaga sa sarili at pagmamahal sa kapwa ang winning answer ni Caleon matapos siyang tanungin tungkol sa pagiging “giver or taker” ng panel of judges. Ayon kay Caleon, kinokonsidera niya ang kanyang sarili bilang parehong “giver at taker” sapagkat kaalinsabay umano ng pagbibigay at pagmamahal mo sa kapwa ay ang pagmamahal mo rin sa iyong sarili.

Dagdag pa ni Caleon, kinakailangan ang balanse sa lahat ng bagay kung kaya’t hindi umano maituturing na “selfish” ang pagmamahal sa sarili dahil sa ito ay lubha rin nating kailangan. Kinakailangan umano na maintindihan at maisabuhay ng lahat ang kahalagahan ng “self love” kasabay ng pagmamahal at paglilingkod sa kapwa.

Samantala, bukod sa titulong Miss Silka Bicolandia 2019 ay naiuwi rin ni Caleon ang Miss Silka (highest vote), Miss Photogenic, Best in Production Number, at Best in Swimsuit award. Wagi rin si Analiza Karen Fernandez ng Sorsogon city sa 3rd runner up, Angelica Marie Camu ng Tabaco city, Albay sa 2nd runner up, at Lovely Shane Buizon rin ng Tabaco city, Albay sa 1st runner up ng Miss Silka Bicolandia 2019.

Si Caleon ay ang siyang kakatawan sa buong rehiyon ng kabikulan sa darating na national pageant ng Miss Silka Philippines. 

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News