Mayo 5, 2019, Daet, Camarines Norte. Bigo mang makapasok sa top 5 ng overall rankings ng Palarong Pambansa 2019 ay isang karangalan pa rin na maituturing ang pagkakapili sa delegasyon ng Bicol Region bilang isa sa mga pinaka disiplinado, malinis, at maayos na delegasyon ng mga atleta sa buong bansa.

Sa awarding ceremonies ng nasabing palaro kahapon ay tinanghal bilang kampeon sa Most Disciplined Delegation at Cleanest, Greenest and Most Eco Friendly Delegation ang naturang rehiyon. Bukod pa rito ay tinanghal rin na 2nd runner up sa Best Billeting Quarter at 1st runner up sa Most Organized Delegation ang Bicol Region sa katatapos lamang na palaro.

Ang nasabing parangal ay isa sa mga maituturing na mataas na pagkilala ng DEPED (Department of Education) sa isang delegasyon ng palarong Pambansa. Matatandaan na hindi lamang ang pisikal na talento ng mga atleta ang dapat ituro at pahalagahan kundi mas lalong higit ang pag-uugali at ang pagiging disiplinado ng mga ito sa kumpetisyon. Dahilan sa pagkilalang ito ay taas noo pa ring uuwi ang mga atletang bikolano sa kani-kanilang lugar pagkatapos ng palaro.

Samantala, nagtapos sa ika-pitong pwesto ang Bicol Region mula sa dating 13th spot noong nakaraang taon matapos magkamit ng 23 gold, 22 silver, at 30 bronze medals sa nagdaang Palarong Pambansa 2019.

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News