Mayo 13, 2019, Daet, Camarines Norte. Sundin ang tinig ni Kristo, yan ang isa sa mga naging tagubilin ng simbahan sa libo libong deboto na nagtungo sa bayan ng Capalonga kaugnay ng pagdiriwang ng pista ng itim na Nazareno sa nabanggit na bayan.

Ang nabanggit na kapistahan ay taunang dinadayo ng libo libong deboto dahil umano sa pagiging milagroso ng imahen ng itim na Nazareno.

Sa homiliya kahapon ay isa sa mga puntong nabanggit ang pagsunod sa tinig ni Kristo upang maging gabay sa tamang pagpili sa darating na halalan.

Ayon sa simbahan, maganda na tanungin natin ang ating sarili sa kung sino ba talaga ang ating pinakikinggan tuwing eleksyon, ang tinig ba ni Kristo, o ang tinig ng pera? Yan ay matapos makatanggap ng ilang sumbong ang simbahan sa umano’y maraming kaso ng vote buying sa lalawigan.

Dagdag pa ng simbahan, nawa umano’y maging gabay ng mga katoliko ang mga katuruan ng Iglesia katolika para piliin ang nararapat na kandidato sa araw ng eleksyon.

Samantala, ipinalangin rin ng simbahan ang pagiging matiwasay at mapayapa na pagdaraos ng halalan sa lalawigan. Ang kapistahan ng itim na Nazareno ay iniurong kahapon upang magampanan ng mga deboto ang kanilang obligasyon na bumoto sa halalan.

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News