Kahabag-habag ang ating bansa, kahabag-habag ang maraming mga pilipino, animo’y isang taong may sakit na walang pambili ng lunas sa kanyang karamdaman. Animo’y isang pulubi na naghihintay ng kanyang kamatayan sa tapat ng isang botika, habang umuubo ng malakas hanggang sa malagutan ng hininga. Mga kababayan, ganyan ang kultura ng “vote buying” sa ating bansa, isang sakit ng lipunan na di maabot ng ating bulsa ang lunas. Isang sakit sa lipunan na umiikot sa napakaraming aspeto ngunit iisa lamang ang pinagmumulan, “kahirapan”.

Ayon sa ilang pag-aaral sa mga bansa sa Timog Silangang Asya, talamak ang “vote buying” maging ang ilang mga illegal election strategies sa mga lugar na talamak rin ang kahirapan, hindi na nakakagulat. Pang-karaniwan sa mga “third world countries o developing countries” sa Asya, Africa at Latin America ang ganitong uri ng sistema kumpara sa mga mas mauunlad na bansa sa Europa at Amerika. Marami ng pag-aaral ang nagpapatunay rito at hindi na nakakagulat ang mga datos. Sa isang pag-aaral na ginawa ng Ateneo School of Government pagkatapos ng 2016 elections, mas lalong napagtibay ang ebidensya na ang istratehiya ng pagbili ng boto ay mas nakatuon sa mga mahihirap na komunidad.

Sa kahalintulad na pag-aaral sa bansang Argentina, tinukoy ni Nichter ang dalawang klase o pamamaraan ng vote buying sa mga mahihirap na komunidad. Una ay ang “voters’ preference” na kung saan ang pera o isang pabor ay ginagamit upang kumbinsihin ang isang tao na iboto ang isang kandidato, at pangalawa ay ang “voters’ turnout” na kung saan ginagamit ang pera o pabor upang kumbinsihin ang isang tao na wag nang bumoto, partikular upang mabawasan o sirain ang malakas na “voters base” ng isang popular na kandidato. Alin man sa dalawang istratehiyang ito ang gamitin, malinaw na ang “vote buying” ay isang hadlang sa malayang pagpili ng mga tao sa isang demokratikong bansa. Kadalasan, ang mga mahihirap na siyang dapat mas bigyan ng kalayaang makapamili ng isang pinunong mag-aangat sa kanila sa kahirapan ay ang siya pang madalas na maalisan ng karapatang ito sa pamamagitan ng manipulasyon at pananamantala sa kalagayan ng kanilang pamumuhay. Ang tukso ng pera ay mas kaakit akit sa ilang mga naghihirap nating kababayan kesa gampanan ang kanilang sagradong tungkulin na pumili ng mga taong kakatawan sakanila sa gobyerno.

Malamang ay hindi na maabot ng isipan ng ilang indibidwal ang kahalagahan ng pagboto. Sinubukan kung unawain, hindi ako huhusga, siguro wala akong karapatan na magmataas at magsalita ng isang bagay na hindi ko mismo naranasan. Masamang tumanggap ng pera ? Saka mo na sagutin kapag naranasan mo nang magdildil ng asin habang kumakain ng kaning tutong (maswerte ka kung may kanin pa). Mahirap manindigan sa isang prinsipyo kung mas pinipili ng iyong katawan na sundin ang tawag ng sikmura kesa ang kaisipang rasyonal. Kung sabagay, mas madaling alisin ang sentido kumon kaysa tiisin ang kumakalam na tiyan. Ngunit, ang mali ay mananatiling mali. Hindi mag-aadjust ang moralidad depende sa kalagayan o estado mo sa buhay. Nakakalungkot ngunit hindi na nakakagulat, ang vote buying ay tunay nang nakaugat sa ating kultura hindi lang ng ating bansa kundi ng buong mundo, isang kultura na kahirapan ang siyang pinag-ugatan.

Magkano ang bigayan? Ayon sa isang survey na ginawa sa labimpitong lungsod sa Metro Manila, pumapatak sa limang daang piso ang pangkaraniwang ipinapamigay sa mga mahihirap na komunidad. Alam nating lahat na ang presyo ay nakadepende sa estado ng isang lugar, ika nga eh pagdating sa “vote buying” ay may tinatawag pa rin tayong Manila Rate at Provincial Rate. Dito sa probinsya tama na siguro ang dalawang daan. Minsan nga’y may nabalitaan akong isang kandidato sa pagkakapitan ng isang barangay na namudmod ng singkwenta pesos kapalit ng  boto ng mga tao, ang kapal ng mukha! Kung gaano kaliit ang mga halagang iyan ay ganyan rin kaliit ang respeto ng mga pulitikong ito sa dignidad at pagkatao ng mga botante! Paano kaya nila ito nasisikmura? Kataka-taka kung saan humuhugot ng pera ang mga pulitikong ito ngunit di hamak na nakakakilabot ang pinanghuhugutan nila ng kapal ng mukha at tibay ng sikmura.

Masakit sa mata ang tanawin ng mga taong nakapila sa labas ng mga compound habang naghihintay ng isang kilong bigas at mga sobre na may tig-dadalawang daan ang laman. Ang mga kumpulan ng tao na nagdudulot ng mala-EDSAng trapik sa mga kalsada ay isang patunay kung gaano katalamak ang kultura ng vote buying sa bansa. Biruin mo pati vote buying may ticket na? Dapa’t siguro’y sa sunod ay mag-issue na sila ng resibo upang mas maging lehitimo na ang kanilang transakyon, tutal eh nagbubulag bulagan rin lang naman ang ilan sa ating mga otoridad sa kabila ng di magkamayaw na pila sa mga tabing kalsada. Hindi lang iyan, nakakapanindig balahibo rin ang nakabibinging katahimikan sa gabi na tila ba’y may isang taimtin na asembleyang nagaganap sa mga pinakaliblib na sulok ng mga komunidad.  Kung gaano patraydor na hinuli si Hesukristo sa isang tahimik na gabi ay ganun din kung magtaksil ang mga taong ito sa bayan.

Paano kaya tayo humantong sa ganito? Katakot takot ! Sumisigaw tayo ng pagbabago ngunit isang libong piso lang ang katapat natin. Ang isang kultura ay hindi tatagal kung wala ang pagtangkilik ng mga tao. Kung may kasalanan ang mga pulitiko, lubhang mas may kasalanan ang taumbayan sa bansa. Pare-parehong nagiging traydor sa bayan ang mga bumibili at nagpapabili ng boto. Sa totoo lang, tayo rin ang nagturo sa mga pulitikong ito na tayo ay nabibili. Nauna tayong mga maging oportunista na kung saan lahat na lang ng gagawin natin maging ang pagboto ay kinakailangan ng perang kapalit. Palibhasa, kultura na ng nakararami ang easy money, ayaw na magtrabaho dahil umaasa na lamang sa mga paipit at solicitation sa kung kani-kaninong kandidato. Eto ang katotohanan, makapal ang iyong mukha. Sa ganitong senaryo ay hindi nagkakaiba ang namimili ng boto sa nagpapabili ng boto. Kung nabibili ka rin lang aba’y wala kang karapatan sumigaw ng pagbabago. Kung paano tinanggap ni Hudas ang tatlumpu’t pilak upang ipagkanulo si Hesus ay ganun mo rin ipinagkakanulo ang bayan mo. Masakit pero totoo.

Kailan kaya darating sa oras ng “political maturity” ang ating bayan? Siguro’y hindi pa sa ngayon. Hangga’t di natatapos ang paulit ulit na cycle ng kahirapan sa bansa, imposibleng maabot natin ang maturity pagdating sa pulitika. Hangga’t may tatanggap, may magbibigay. Kung iniisip mong okay lang naman na tumanggap dahil di naman ito makakaapekto sa iboboto mo, nagkakamali ka. Ikaw pa rin ay nagiging parte ng pagtolerate sa isang maling kultura na di na dapat magpatuloy. Nakakaawa ang ating bansa, hangga’t may mga taong gipit sa kapalaran, magpapatuloy ang bigayan. Sa ngayon ay wala tayong magagawa kundi simulan ang pagbabago sa ating mga sarili. Ang pagtanggi sa vote buying ay isang prinsipyo, isang prinsipyo na kailanma’y hindi matutumbasan ng anumang halaga.

 

*editorial cartoon from Sunstar.com