Mayo 14, 2019, Daet, Camarines Norte. Mabilis na natapos ang bilangan ng election results sa bayan ng Daet na kung saan ay naiproklama na nga kagabi para umupo sa kanyang ikalawang termino si Mayor Benito “B2k” Ochoa kasama ang bise alkalde at walo pang konsehal ng nasabing bayan.

Sa nasabing halalan ay nakakuha si Ochoa ng 28,726 na boto kontra sa katunggali nito na si Tito Sarte Sarion na nakakuha ng 13,074 na boto. Dahilan dito ay agad na nagpasalamat si Ochoa sa malaking suporta na natanggap nito mula sa mga Daetenyo.

Samantala, maluwag naman na tinanggap ng katunggali nito na si Tito Sarion ang naging resulta ng halalan at sinabing magiging kaisa siya sa pagtulong tungo sa ikauunlad ng bayan ng Daet.

Kasabay na iprinoklama kagabi ay si Vice Mayor Rosa Mia King at ang mga nanalong konsehal na sina Eliza Llovit, Tomasito Turingan, Apolonio Panong, Felix Abano, William Carlo Avila, Marlon Bandelaria, Rossano Valencia at Nestor Dalida. 

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News