Mayo 14, 2019, Daet, Camarines Norte. Sa percentage na 97.75% ng mga nabilang ng boto sa lalawigan ng Camarines Norte ay inaasahan ang “dominant victory” ni Gobernador Edgardo Tallado at PDP Laban sa mga pangunahing posisyon sa lalawigan.

Sa ngayon ay nangunguna pa rin sa pagka-gobernador si Tallado sa botong 146,696 kumpara sa pambato ng Liberal Party na si Cathy Barcelona Reyes na may 102,800 na boto.

Inaasahan rin ang pagkapanalo ng mga pambatong kongresista ng partido sa una at ikalawang distrito matapos magtala ng napakalaking kalamangan kontra sa mga katunggali nito.

Lamang ng halos siyam na libong (9,000) boto si Josie Baning Tallado kontra kay Congressman Jojo Unico para sa posiyon ng 1st district representative samantalang lamang naman ng halos 43,ooo na boto si Congresswoman Marisol “Toots” Panotes para sa posisyon ng 2nd district representative. 

Inaasahan din ang pagdomina ng PDP Laban pagdating sa laban para sa bokal ng una at ikalawang distrito ng lalawigan. Pasok ang mga pambato ng PDP Laban na sina Artemio Serdon, Bong Quibral, Aida Dasco, Concon Panotes, Renee Herrera, Atoy Moreno, at Stanley Alegre. 

Samantala, sa ngayon ay mahigpit parin ang laban para sa pagkabise gobernador sa pagitan ni Jonah Pimentel ng PDP Laban at Dong Padilla ng Liberal Party. Manipis ang kalamangan ni Pimentel sa 1,118 lamang na boto at mahigpit pang binabantayan ang anumang paggalaw sa magiging resulta ng halalan.

Sa ngayon ay hinihintay pa ang transmission ng mga election results mula sa tig-anim na barangay ng Basud at Capalonga. 

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte