Mayo 15, 2019, Daet, Camarines Norte. Dalawang araw matapos ang eleksyon ay naiproklama rin sa wakas ang mga nanalong kandidato para magsilbi sa unang distrito ng Camarines Norte. Ang nasabing pagkadelay ng proklamasyon ay dahilan sa mga hinintay pang resulta mula sa bayan ng Capalonga bunsod ng mga depektibong SD cards sa ilang presinto.

Kaninang mga bandang hapon matapos pumasok ang resulta mula sa Capalonga ay agad nang iprinoklama sina 1st district representative elect Josie Baning Tallado kasama ang mga nanalong bokal sa unang distrito na sina Artemio Serdon Jr, Bong Quibral, Dok Ran Jalgalado, Aida Dasco, at Mike Canlas.

Samantala, sa mga oras na ito ay hinihintay pa ang pagpasok ng mga resulta mula sa bayan ng Basud upang maiproklama ang Gobernador, Bise-Gobernador at ang mga natitirang opisyal sa ikalawang distrito.

Napag-alaman na dinala pa sa Legazpi city ang mga sirang SD cards upang doon ireconfigure at maayos. Ayon sa Provincial Board of Canvassers, tinatayang aabutin pa ng hanggang hatinggabi bago maiproklama ang lahat ng mga nanalong kandidato sa lalawigan dahilan sa hihintayin pa ang pagdating ng mga inayos na SD cards mula sa lungsod ng Legazpi.

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News