Mayo 16, 2019, Daet, Camarines Norte. Sa manipis na 642 botong kalamangan ay nagawa ni Luz Ricasio na wakasan ang mahabang pamumuno ng pamilya Jalgalado sa bayan ng Capalonga. Si Ricasio ay nakakuha ng 7,872 na boto at hindi nalalayo sa 7,230 na boto na nakuha ng kanyang mahigpit na katunggali na si Editha Jalgalado. 

Ang kalaban ni Ricasio na si Editha Jalgalado ay ang asawa ng incumbent mayor ng Capalonga na si Senandro Jalgalado. Matatandaan na sa mahabang panahon ay walang ibang naupong alkalde ng bayan kundi mula sa pamilya ng mga Jalgalado.

Bunsod nito, malaki ang inaasahan ng mga mamamayan ng Capalonga sa kanilang magiging bagong alkalde. Samantala, sa nasabing bayan ay bigo ring manalo ang mga pamangkin ni Senandro Jalgalado na sina incumbent 1st district representative Jojo Unico at Gubernatorial candidate Dra. Cathy Barcelona Reyes. 

Ang nasabing bayan ay isang 3rd class municipality sa lalawigan at may tinatayang populasyon na 32,215 at 20,383 na rehistradong botante.

 

Blaise Henry E. Ilan 

Camarines Norte News