Mayo 16, 2019, Daet, Camarines Norte. Matapos pumasok ang 100% ng election results mula sa bayan ng Basud kanina lamang na tanghali ay tuluyan na ngang naiproklama si Edgardo “Egay” Tallado bilang gobernador ng lalawigan ng Camarines Norte. Si Tallado ay nagkamit ng “landslide win” kumpara sa katunggali nitong sina Dra. Cathy Reyes at BP Balmeo. 

Si Tallado ay nakakuha ng 149,753 na boto sa buong lalawigan at nagtala ng 44,604 na kalamangan kontra sa 105,149 lamang na boto ni Reyes. Kamakailan ay naharap si Tallado sa isyu ng diskwalipikasyon ngunit ito ay nakakuha ng paborableng desisyon mula sa Korte Suprema na naging dahilan ng kanyang pagkakaproklama.

Si Tallado ay mananatiling gobernador ng lalawigan hanggang sa hindi pa nabibigyan ng pinalidad o nabibigyang linaw ang diskwalipikasyon laban dito. Samantala, naiproklama na rin kanina si 2nd District Representative Marisol Toots Panotes kasama ang mga nanalong bokal sa ikalawang distrito ng Camarines Norte na sina Concon Panotes, Renee Herrera, Atoy Moreno, Joseph Stanley Alegre at Atty. Godfrey Parale.

Samantala, ipinagpaliban naman ang proklamasyon ng nanalong bise-gobernador na si Jonah Pimentel dahilan sa isyu rin ng diskwalipikasyon rito mula sa 2nd Division ng COMELEC. Sa ngayon ay wala pang maipoproklamang bise-gobernador sa lalawigan hangga’t hindi pa ito nabibigyan ng pinal na desisyon. Basahin ang karagdagang istorya: 

Jonah Pimentel panalo sa opisyal na bilangan ng COMELEC, ngunit proklamasyon para sa posisyon ng bise gobernador ipinagpaliban!

 

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News