Si Vice Governor Jonah Pimentel kanina habang hinihintay ang desisyon ng Provincial Board of Canvassers hingil sa kanyang proklamasyon. Photo by Ivy Consuelo-Garcia.

Mayo 16, 2019, Daet, Camarines Norte. Matapos ang ilang araw na paghihintay ay natapos na rin sa wakas ang bilangan sa halalan sa buong lalawigan ng Camarines Norte. Base sa pinal at opisyal na bilangan ng COMELEC, panalo si incumbent Vice Governor Jonah Pimentel laban kay Jose Panganiban Mayor Dong Padilla. 

Sa dikit na labanan para sa pagkabise-gobernador ay nakakuha si Pimentel ng 121,919 na boto laban sa 120,159 na boto kay Padilla, dahilan upang maipanalo nito ang eleksyon para sa nabanggit na posisyon.

Bagama’t panalo sa nabanggit na halalan ay ipinagpaliban muna ng Provincial Board of Canvassers ang pagsasagawa ng proklamasyon dahilan sa nakabinbin na kaso ng diskwalipikasyon laban kay Pimentel. Dahilan nito, inaasahan na wala munang magaganap na proklamasyon hangga’t sa di pa nagiging final ang desisyon tungkol rito.

Inaasahan naman ang pag file ng Motion for Reconsideration ng kampo ni Pimentel sa COMELEC En Banc at maging hanggang sa Korte Suprema upang agad na maisagawa ang proklamasyon sa mga susunod na araw.

Samantala, mariing pinapabulaanan naman ang mga kumakalat na tsismis sa lalawigan na si Jose Panganiban Mayor Dong Padilla na ang nanalong bise gobernador ng Camarines Norte. Sa kasalukuyan ay wala pang maipoproklamang bise gobernador sa lalawigan ng Camarines Norte hanggang hindi pa naisasapinal ang isyu ng diskwalipikasyon.

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News