Mayo 22, 2019, Daet, Camarines Norte. Nauwi sa madugong tagaan ang dapat sana’y masayang inuman sa Sitio Boyoboy, Barangay Matacong, San Lorenzo Ruiz. Ayon sa salaysay ng mga saksi, dakong alas singko y’ media (5:30 pm) ng hapon nang magkapikunan umano ang suspek at biktima habang nag-aasaran sa inuman.

Dahilan nito, kumuha ng itak ang suspek at doon na nagsimulang magpambuno ang dalawa. Kapwa sugatan ang suspek na kinilala lamang sa alyas na “Palito” at ang biktima na kinilala naman sa alyas na “Jonel” matapos magtamo ng mga malalang sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Swerte namang walang nasawi sa insidente matapos ang mga ito ay madala kaagad sa ospital at malapatan ng paunang lunas.

Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na ng pulisya ang nasabing suspek para sa ilang pang mga disposisyon.

 

Blaise Henry E. Ilan 

Camarines Norte News