Mayo 23, 2019, Daet, Camarines Norte. Patay ang isang hinihinalang drug pusher matapos umano itong manlaban sa mga otoridad sa ikinasang drug buy bust operation ng Philippine National Police sa Purok 7, Barangay 8, Daet, Camarines Norte dakong alas kwatro ng madaling araw (4 am) kanina (Mayo 23, 2019).

Kinilala ang napatay na suspek na si Alexander Yu, 33 taong gulang at residente rin ng nabanggit na lugar. Samantala, nakatakas naman ang isa pang hindi nakilalang indibidwal na siya umanong kasama ng napatay na suspek sa nasabing buy bust operation.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nakipagkita ang isang police agent sa mga nabanggit na suspek upang bumili ng shabu. Nang mahalata ng mga ito na isang pulis ang kanilang katransaksyon ay agad umanong bumunot ng baril ang suspek na si Yu at agad na nagpaputok sa nasabing police agent.

Dahilan nito, agad na gumanti ng putok ang pulis na siyang nagresulta sa pagkamatay ng suspek matapos itong magtamo ng ilang tama ng baril sa likod at dibdib.

Narekober sa suspek ang ilang mga sachet ng hinihinalang shabu na aabot sa dalawampu’t apat na libong piso (php 24, 000) ang halaga pati na rin ang kalibre 45 nitong baril na ginamit laban sa pulis.

Samantala, patuloy naman ang paghahanap ng mga pulisya sa kasama ng suspek na mabilis na tumakas habang nangyayari ang engkwentro.

 

Blaise Henry E. Ilan 

Camarines Norte News