Mayo 25, 2019, Daet, Camarines Norte. Nanaig ang ganda ng Bikolana sa katatapos lamang na Miss National PRISAA (Private Schools Athletic Association) 2019 na ginanap sa lungsod ng Davao nitong Mayo 23, 2019. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagawa ni Rhianne Macy Zapata ng Mabini Colleges Inc sa Daet, Camarines Norte na maiuwi ang titulo para sa Bicol Region simula pa ng maitatag ang nasabing pageant noong 1950’s. 

Sa panayam ng Camarines Norte News kay Zapata ay ibinahagi nito ang kanyang mga naging karanasan sa pagsali sa nasabing pageant.

Ayon sa kanya, matinding pressure ang kanyang naramdaman sa kanyang kauna-unahang National pageant na sinalihan, ngunit, dahil na rin sa tulong ng kanyang mga kapwa kandidata na siyang kanyang mga naging kaibigan at sandigan ay mas nanaig pa rin umano sakanya ang excitement at thrill ng kumpetisyon.

Ibinahagi rin ng beauty queen na isa sa kanyang mga naging sikreto upang manalo ay ang pagtitiwala sa sarili sa gitna ng ilang mga pagsubok sa buhay. Dagdag pa niya, wala umanong agarang daan tungo sa tagumpay, bagkus ay  kinakailangan lang harapin ng bawat isa ang kanyang mga kahinaan upang mas maging matatag sa mga darating na panahon.

Sa huli ay sinabi ng beauty queen na nais niyang ibahagi ang kanyang tagumpay sa buong rehiyon ng kabikulan, lalong lalo na sa kanyang mga kababayan sa lalawigan ng Camarines Norte na siyang kanyang naging inspirasyon at lakas sa buong kumpetisyon.

Ang pagkapanalo ni Zapata ay nagbigay ng malaking puntos sa delegation ng Bicol Region sa PRISAA National Meet 2019, dahilan upang magtapos ang rehiyon sa ika-apat na pwesto sa overall rankings.

 

Blaise Henry E. Ilan 

Camarines Norte News