At Rome, Italy: Si Bishop Rex Andrew Alarcon (pinakahuli sa kanan) kasama ang mga obispo ng kabikulan. (photo from Archdiocese of Caceres)

Mayo 27, 2019, Daet, Camarines Norte. Personal na nagtungo sa Roma si Diocese of Daet Bishop Rex Andrew Alarcon kasama ang iba pang pang mga obispo sa Pilipinas upang personal na bisitahin ang Santo Papa. Ang nasabing pagbisita ay parte ng “Ad Limina” visit ng mga obispo na isinasagawa kada limang taon. 

Ang Ad Limina visit ay isang tradisyon ng simbahang Katoliko na kung saan ang mga obispo ng bawat diyosesis sa mundo ay personal na bumibisita sa Santo Papa upang idulog o pag-usapan ang mga bagay na nakakaapekto sa kanilang paggampan ng tungkulin bilang pinuno ng diyosesis.

Bukod pa rito, ang nasabing tradisyon rin ay ang simbolikong pagbisita ng mga obispo sa libingan ni San Pedro at San Pablo, kasabay ng pakikipagkita ng mga ito sa kahalili ng apostol sa katauhan na rin ng Santo Papa.

Ito rin ay pagkakataon upang mas lalo pang pagtibayin ang pamumuno ng Santo Papa sa simbahan sa pamamagitan ng pakikinig sa mga personal na hinaing ng bawat obispo sa kanilang diyosesis.

Ang Ad Limina ay isang tradisyon na nagsimula pa sa mga unang mga pinuno ng simbahan noong ika-apat na siglo.

 

Blaise Henry E. Ilan 

Camarines Norte News