Mayo 28, 2019, Daet, Camarines Norte. Nakiisa ang pamunuan ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa isinasagawang Brigada Eskwela ng Department of Education (DepEd) sa mga pampublikong paaralan sa lalawigan ng Camarines Norte.

Sa pamamagitan ito ng mga Municipal Fire Station (MFS) ng BFP sa lalawigan kung saan katuwang ang mga guro, mga magulang, mag-aaral at mga boluntaryo sa paglilinis at pagsasaayos ng mga silid-aralan bilang paghahanda sa pagsisimula ng klase sa Hunyo 3 ngayong taon.

Ang mga MFS (Municipal Fire Station) ay nagsasagawa ng pagkukumpuni sa mga paaralan katulad ng mga upuan, lamesa at pagpipintura, pagbabawas sa mga sanga ng punong kahoy, pagpapaganda ng mga garden at paglilinis sa mga lugar kabilang na ang mga kanal, likod ng silid-aralan at iba pa. Namamahagi rin ng mga babasahin tungkol sa mga pamamaraan at tamang pag-iingat sa sunog ganundin ang mga dapat gawin kapag may insidente tungkol dito.

Nagsasagawa rin ng fire safety inspection at fire safety education upang bigyan ng kamalayan ang mga guro, magulang at mga mag-aaral tungkol sa sunog. Maliban pa dito ay ang seminar na nakatuon sa Disaster Preparedness upang magkaroon ng oryentasyon ang mga guro at opisyal ng mga paaralan hinggil sa Incident Command System.

Ang Brigada Eskwela ng DepEd ay isang Nationwide School’s Maintenance Week na nagsimula noong Lunes (Mayo 20) hanggang Mayo 25 ngayong taon. Layunin ng naturang gawain ang tipunin ang lahat ng mga stakeholder ng edukasyon upang lumahok at tumulong sa paghahanda sa mga pasilidad ng paaralan para sa pagbubukas ng klase.

Ang Brigada Eskwela ay unang inilunsad noong Mayo 20, 2003 na isang programa na matagumpay na isinagawa ng DepEd sa bawat taon tuwing malapit ng magsimula ang pasukan. Tema ng gawain ngayong taon ang “Matatag na Bayan para sa Maunlad na Paaralan”.

 

Reyjun Villamonte 

Camarines Norte News