Mayo 28, 2019, Daet, Camarines Norte. Ipinagdiriwang sa lalawigan ng Camarines Norte ang linggo ng mga magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng Farmers and Fisherfolks Week simula Mayo 27 hanggang Mayo 31 ngayong taon.

Sa bahagi ng programa ay pormal na binuksan ang mga gawain kahapon (Mayo 27) sa Little Theater ng kapitolyo probinsiya sa pangunguna ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) ng pamahalaang panlalawigan. Kabilang sa mga gawain ang paligsahan sa Farm Family Quiz, Farm Family Relay, Fishnet Mending at Crab Race.

Bukas (Mayo 28) ay isasagawa ang Farmers and Fisherfolks/P4MP Day na kung saan tatalakayin ang oryentasyon sa pagpapatupad ng mga alituntunin sa pamamaraan ng mga insentibo para sa pagkuha ng palay ganundin ang pagtatanghal ng mga produkto.

Sa Mayo 29 ay pangungunahan ng mga kababaihan ang Rural Improvement Club (RIC) Achievement and Home Extention Day, isang paligsahan sa pagluluto ng ibang-ibang produktong agrikultura at ang Zumba para sa kanilang pangangalaga sa katawan at kalusugan. Ang Volunteers’ Day naman ng Agricultural Fishery Council (AFC) ay gaganapin sa Mayo 30 na pangungunahan naman ng Provincial Agricultural and Fishery Council (PAFC) ng Camarines Norte. Isasagawa rin sa naturang araw ang Tagisan ng Talino sa AFC henyo, kantahan at AFC Spotted.

Sa huling araw ng selebrasyon (Mayo 31) ay ang closing and awarding ceremony kung saan bibigyan ng parangal at pagkilala ang mga nanalo sa paligsahan at mga natatanging magsasaka at mangingisda ng Camarines Norte.

Ayon kay Engr. Almirante Abad, provincial agriculturist ng OPAg, ang naturang selebrasyon ay pangalawang taon nang ginagawa bilang pagkilala sa ating mga magsasaka at mangingisda sa lalawigan. Ayon pa rin kay Abad, ang mga magsasaka at mangingisda ay malaki ang naitutulong sa ating bansa sa kontribusyon ng paglago ng ating ekonomiya at nakakapagbigay ng sapat na pagkain.

Tema ng selebrasyon ang “Magsasaka’t mangingisdang Pilipino, saludo ang buong bansa sa sipag, tibay at lakas ninyo”.

 

Reyjun Villamonte 

Camarines Norte News