Mayo 31, 2019, Daet, Camarines Norte. Tagumpay na naiuwi ni Jashmin Lyn Dimaculangan ng bayan ng Capalonga, Camarines Norte ang titulo ng Daragang Magayon 2019 sa katatapos lamang na coronation night kagabi ng nasabing pageant na ginanap sa Albay Astrodome sa lungsod ng Legazpi. 

Ang Search for Daragang Magayon ay isa sa mga maituturing na pinakamalaking pageant sa buong kabikulan at nilalahukan ng mga nagagandahang kandidata sa rehiyon.

Sa nasabing pageant ay nagawang masungkit ni Dimaculangan ang titulo na pinaglabanan ng aabot sa dalawampu’t apat na nagagandahang kandidata sa Bicolandia.

Wagi bilang 3rd runner up si Joyce Ann Magpantay ng Guinobatan, Albay, Aurey Balonzo ng Legazpi city sa 2nd runner up, at si Janel Calleja na nagmula rin sa Legazpi city bilang 1st runner up. 

Samantala, bukod kay Dimaculangan ay taas noo ring inirepresenta nina Shiermay Elnar at Shaina Gaco ng bayan ng Daet ang lalawigan ng Camarines Norte sa Search for Daragang Magayon 2019. 

 

Blaise Henry E. Ilan 

Camarines Norte News