Mayo 31, 2019, Daet, Camarines Norte. Hindi alintana ng mag-inang sina Glezie Briones (33 taong gulang), at Weena Briones (56 taong gulang) ang pagod at init sa kanilang araw araw na paglalakad sa mga lansangan para magbigay ng libreng livelihood/business seminar sa mga senior citizen at mga housewives ng bawat bayan na kanilang napupuntahan.

Ang nabanggit na mag-ina ay nagbibigay ng libreng workshop para sa mga nais magsimula ng maliit na negosyo at para na rin makapagbigay ng inspirasyon sa kanilang mga kababayan na nais umasenso sa buhay. Parte ng kanilang seminar workshop ay ang Motivational/Inspirational Talk, Basic Earing/Crochet bags/Mini Sofa making, at How to Monetize your Hobbies talk.

Sa nakakaantig na kwento na isinalaysay ni Glezie Briones sa Camarines Norte News, ibinahagi niya ang kanilang mga karanasan sa paglalakad sa bawat bayan upang makapagbigay tulong at inspirasyon sa mga tao. Ayon sakanya, nalibot na umano nila ang mga bayan ng Turbina sa Laguna patungong Lipa, Batangas at Tiaong, Quezon para magturo kung paano magsimula ng maliit na kabuhayan sa mga mamamayan nito.

Nais raw kasi umanong talunin ng kanyang ina ang kanyang karamdaman sa puso sa pamamagitan ng pagsisilbi at pagtulong sa kapwa. Dagdag pa ni Briones, sariling pera rin umano nila ang kanilang ginagamit sa paglilibot at maswerte na lamang umano kung may tumulong o magpatuloy sakanila sa bawat bayan na kanilang napupuntahan.

Kaugnay nito, simula sa Hunyo 1 (bukas), hanggang Hunyo 3, 2019 ay nasa bayan ng Paracale sa lalawigan ng Camarines Norte ang mag-ina upang magpaseminar ng libre sa mga interesadong magsimula ng kanilang maliit na kabuhayan. Para sa mga interesadong makinig o dumalo, maaring icontact si Glezie Briones sa numerong 09358404014.

“It’s never too late to make your big dreams possible, it will begin from your small step.”Glezie Briones, founder of Giving GRAce organization. 

 

Blaise Henry E. Ilan 

Camarines Norte News