Hunyo 5, 2019, Daet, Camarines Norte. Masayang ipinagdiriwang ngayon ng mga kapatid nating Muslim sa lalawigan ng Camarines Norte at maging sa buong mundo ang kapistahan ng Eid al-Fitr. Sa tradisyon ng Islam, ang nsabing kapistahan ay ang hudyat ng pagtatapos ng halos isang buwan na pag-aayuno ng mga Muslim sa buwan ng Ramadan.

Ito rin ay tinatawag na “Festival of Breaking the Fast” at ang tanging araw sa buwan ng  “Shawwal” na ipinagbabawal ang pag-aayuno. Ang kapistahan ng Eid’l Fitr ay karaniwang tumatagal ng tatlong araw na kung saan ang mga kapatid nating muslim ay nagsasaya at naghahanda ng iba’t ibang pagkain at nagbibigay ng mga regalo sa mga bata.

Ito rin ay ang panahon upang magbigay limos ang mga Muslim at maisapuso ang mga aral ng Islam na kanilang pinagtibay sa loob ng isang buwang pag-aayuno sa Ramadan.

Bilang pagkilala sa mga kapatid nating Muslim ay idinedeklara ng Malacanang ang nasabing kapistahan bilang isang regular holiday. Ang Pilipinas ay ang tanging “Christian Dominated Country” sa buong mundo na nagdedeklara sa Eid’l Fitr bilang isang public holiday.

 

Blaise Henry E. Ilan 

Camarines Norte News