Hunyo 6, 2019, Daet, Camarines Norte. Siniguro ng mga ahensiya de gobyerno sa lalawigan ng Camarines Norte ang kahandaan ng lalawigan sa pagdiriwang ng ika-121 Araw ng Kalayaan sa Hunyo 12 ngayong taon na may temang “Kalayaan 2019: Tapang ng Bayan, Malasakit sa Mamamayan”.

Ito kaugnay ng isinagawang pagpupulong sa Museum, Archives and Shrine Curation Division ng pamahalaang panlalawigan sa kapitolyo probinsiya na pinangunahan ng naturang tanggapan kamakailan.

Ayon sa pagpupulong, ang Philippine National Police (PNP) ang mangangalaga sa daloy ng trapiko at magbibigay daan sa pagsisimula ng parada katuwang ang Kabalikat Charity Daet-Central na siyang aayos sa mga lalahok at ruta ng parada.

Ang Provincial Custodial Security and Services Division (PCSSD) naman ng kapitolyo ang magsisiguro ng lugar na walang sasakyan ang paparke sa buong kahabaan ng kalsada ng kapitolyo at mamumuno sa pag-aayos ng parada at tagapagdala ng mga bandila.

Ang pamunuan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ay magdidilig ng tubig sa mga lansangan upang mabawasan ang init ng dadaanan ng parada. Magdadala naman ang Philippine Army (PA) ng mga kagamitang pandigma kabilang na ang cannons, trak ng military at iba pa upang ipakita sa naturang selebrasyon samantalang ang Philippine Coast Guard (PCG) ay magdadala rin ng kinakailangan sa pamamagitan ng kanilang mga tauhan at mga kagamitang pandagat.

Ang Philippine Information Agency (PIA), Radyo Pilipinas at Media ang tutulong sa pagtataguyod at pagpapalaganap ng impormasyon sa publiko kaugnay sa mga gawain at aktibidad ng naturang selebrasyon katuwang ang Kabalikat Bikol 139 na kasama rin sa pagbibigay pagbabalita at magsusubaybay sa isinasagawang parada.

Ang Provincial Health Office (PHO) ang maghahanda ng ambulansiya at sa kalusugan kasama ang kanilang mga emergency staff samantalang pangunang lunas naman mula sa Philippine Red Cross. Mangangalaga sa rescue at emergency response ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) at pagtatalaga ng kanilang mga personnel sa mga dadaanan ng parada.

Pangungunahan naman ng Department of Education (DepEd) ang partisipasyon ng mga paaralan sa parada partikular na ang mga mag-aaral, guro at DLC. Ang Provincial Engineer’s Office (PEO) at Government Services Office (GSO) ng pamahalaang panlalawigan ang maglalagay ng mga tents para sa misa kung kinakailangan at upuan, mesa, paghahanda sa stage, sound system para sa misa at flag raising ceremony.

 

Reyjun Villamonte 

Camarines Norte News