Hunyo 6, 2019, Daet, Camarines Norte. Isinusulong ngayon sa Kongreso ang paglalagay ng mga Overpass sa mga paaralan sa buong bansa partikular sa mga paaralang malapit sa mga National Highway.

Ang nasabing panukala ay nagmula kay Albay 2nd District Representative Joey Salceda matapos nitong mapansin ang pagiging lantad ng mga estudyante sa aksidente sa tuwing ang mga ito ay tatawid sa mga National Highways para pumasok sa kanilang mga paaralan.

Ang House Bill 9167 o ang Mandatory Overpass Act of 2019 ni Rep. Salceda ay may layuning siguruhin ang kaligtasan ng mga batang mag-aaral sa kanilang pagtawid sa mga pangunahing kalsada sa Pilipinas.

Ayon na rin sa datos ng World Health Organization, tinatayang nasa 270,000 na pedestrians ang namamatay sa aksidente taon taon kung kaya’t isang malaking isyu ang kaligtasan ng mga pedestrian sa kanilang araw araw na pagtawid sa mga kalsada.

Sa pagsisimula ng 18th Congress ay nakatakdang himayin at pag-usapan ang nasabing panukalang batas na naglalayong mas gawing ligtas ang mga paaralan sa buong bansa.

 

Blaise Henry E. Ilan 

Camarines Norte News