Hunyo 11, 2019, Daet, Camarines Norte. Ipinaliwanag ng CANORECO (Camarines Norte Electric Cooperative) ang naging rason ng pagtataas nila ng singil sa kuryente nitong nagdaang buwan ng Mayo 2019. Ito ay matapos maglabas ng hinaing ang ilang mga konsumidores hingil sa pagtaas ng kanilang mga buwanang electric bill at maging tungkol na rin sa serbisyo ng nabanggit na kooperatiba.

Ayon sa ipinalabas na advisory ng CANORECO, tumaas ang kanilang singil dahilan sa pagtataas rin ng presyo ng kanilang binibiling kuryente mula sa Aboitiz Power Renewables Inc. Ito ay dahilan na rin umano sa mataas na presyo ng dolyar sa pandaigdigang kalakalan at US Consumer Price Index.

Bukod pa rito, manipis umano ang supply ng kuryente sa Luzon Grid nitong mga nagdaang buwan ng Abril dahilan sa pagshushut-down ng ilang mga planta sa bansa kung kaya’t ito ay mas lalo pang nakadagdag sa mataas ng presyo ng kuryente sa buong Luzon.

Dahil sa manipis na supply ng kuryente sa buong Luzon, napilitan ang pamunuan ng NGCP (National Grid Corporation of the Philippines) na magsagawa ng mga malawakang rotational brownouts na kung saan nakasama rito ang CANORECO na siyang nag-iisang electric power distributor sa probinsya.

Hangga’t hindi pa nagiging stable ang supply ng kuryente at hangga’t hindi bumababa ang presyo nito sa pandaigdigang merkado ay mananatiling palyado at mahal ang kuryente sa bansa partikular na sa buong Luzon.

Sa kasalukuyan ay aabot na sa 11.1344 piso ang singil ng kuryente kada kilowatt hour para sa Residential establishments at 10.1808 piso naman per kilowatt hour para sa mga Commercial establishments. 

 

Blaise Henry E. Ilan 

Camarines Norte News