Huny0 23, 2019, Daet, Camarines Norte. Walang ipapalabas na kanselasyon ng klase sa mismong araw ng kapistahan ng bayan ng Daet, yan ang paglilinaw ni Mayor Benito Ochoa sa kanyang naging pahayag sa social media nito lamang Hunyo 22, 2019.

Ayon sa nabanggit na post ng alkalde, mas ilalaan umano sa mga oras ng kalamidad at emergency ang suspension ng klase at trabaho kung kaya’t asahan ang regular pa rin na daloy ng pasok sa mga pampublikong paaralan, opisina at mga establisiyemento bukas sa buong bayan.

Sa nasabing post rin ay hiniling ng alkalde ang mapayapa at masayang paggunita sa kapistahan ng patron ng bayan na si San Juan Bautista.

Bagama’t walang opisyal na kanselasyon mula sa munisipyo, may mga ilang pribadong opisina at paaralan ang nauna nang nag-anunsyo ng kanselasyon ng kanilang mga pasok at klase upang bigyang daan ang pagdiriwang ng nabanggit na kapistahan.

Matatandaan na isa sa mga dinarayong kapistahan sa lalawigan ng Camarines Norte ay ang pista ni San Juan Bautista sa Daet kung kaya’t inaasahan ang matinding bugso ng mga tao bukas kaugnay na nga ng pagdiriwang ng kapistahan sa nabanggit na bayan.

 

Blaise Henry E. Ilan 

Camarines Norte News