PATAK-SINDI

By Blaise Henry E. Ilan

CAMARINES NORTE NEWS

July 1, 2019

 

Noong nakaraang araw ng biyernes, inihayag ni Gobernador Edgardo Tallado ang kanyang plano na sampahan ng kaso ang pamunuan ng CANORECO kaugnay ng umano’y hindi magandang serbisyo nito sa lalawigan ng Camarines Norte. Para sa karamihan ng mga Cam Nortenyo ay isa itong magandang balita sapagkat ang naging pahayag ng gobernador ay repleksyon ng mga sentimyento at hinaing ng ating mga kababayan.

Bagama’t isa itong pasimulang hakbang tungo sa pagresolba ng matagal na nating problema sa kuryente, sa huli, ipinapakita lamang nito kung gaano na kalala ang ating problema sa pagtugon ng mga basic public utility services sa ating lalawigan, sa sobrang lala nga eh hahantong pa sa kasuhan ang sitwasyon.

Sa totoo lang, hindi nag-iisa ang lalawigan ng Camarines Norte pagdating sa ganitong mga problema. Sa kasalukuyan ay nakararanas ang buong Luzon ng kakulangan sa suplay ng kuryente dahilan sa pagshushutdown ng mga planta sa nabanggit na rehiyon. Nagpapatuloy ang rotating brownouts sa iba’t ibang parte ng Pilipinas bunsod nga ng nasabing problema.

Ang Metro Manila, Bulacan, Pampanga, Laguna at iba pang mga probinsya ay biktima rin ng kulang at putol-putol na supply ng kuryente. Sa ganitong uri ng mga sitwasyon, hindi mo masisisi ang mga tao na maglabas ng kanilang inis sa mga electric cooperatives sa kanilang probinsya. Ganyan talaga, parte na ng trabaho ng mga empleyado ng mga naturang kooperatiba ang pagtanggap ng kritisismo mula sa mga mamamayan.

Gaano man kaganda o kalinaw ang magiging paliwanag ng mga kooperatibang ito, sa huli ay walang pakialam ang mga tao kundi ang agarang pagbabalik ng serbisyo ng kuryente sa kanilang lugar.

Siguro’y normal na sa mga electric cooperatives sa buong bansa ang batikusin sa kanilang sariling lugar dahil nga sa inconvenience na nararanasan ng mga tao bunsod ng kanilang palpak na serbisyo.

Hindi na rin bago ang pagsasampa ng kaso ng mga mamamayan laban sa kanilang mga sariling electric cooperatives, sa totoo nga nito, sa kasalukuyan ay plano ring magsampa ng kaso ng mga taga Palawan laban sa kanilang sariling electric cooperative dahil na rin sa patay sindi nitong serbisyo.

Samantala, kung ating matatandaan, mas malala ang sinapit ng probinsiya ng Albay nitong mga nakaraang taon pagdating sa supply ng kuryente sa kanilang lugar. Nabaon sa utang ang ALECO (Albay Electric Cooperative) at nakumpromiso ang supply ng kuryente sa buong lalawigan. Sa aking pagkakaalala, umabot ng halos ilang linggo na walang kuryente sa naturang probinsya dahilan sa hindi na kayang bumili pa ng ALECO ng supply ng kuryente dahil sa laki ng utang nito.

Hindi lang kasuhan kundi walang patid na mga rally at demonstrasyon ang nangyari sa Albay ng mga panahong iyon. Kung tutuusin, mas maswerte pa tayo kaysa sa ating mga karatig probinsya kung ikukumpara natin ang laki ng problema sa kuryente.

Ngunit, dapat ba natin itong ikatuwa at ipagpasalamat? Hindi! Anong nakakatuwa sa araw-araw na biglaang mga brownout sa iba’t ibang parte ng ating lalawigan? Anong nakakatuwa sa pagkasira ng ilang mga appliances bunsod ng mga patraydor na pagkawala at pagbabalik ng kuryente?

Gaano man natin pagtakpan, gaano man natin tiisin, kailangang nating tanggapin na may kakulangan sa pagtugon ng serbisyo ng kuryente sa ating lalawigan. Kung hindi natin tatanggapin na meron tayong problema ay wala tayong maiimprove o maisasaayos.

Maging ang pangit na kalidad ng serbisyo ng tubig sa ating lalawigan ay hindi rin dapat ipagsawalang bahala. Alam ko na batid rin ninyo ang paghina ng supply o pressure ng tubig sa ilang parte ng ating lalawigan. Minsa’y ga-patak na lang, minsa’y wala na.

Ang privatization ng Water district na akala nati’y mas magpapaganda ng serbisyo ng tubig sa lalawigan ay tila ba’y naging isa lamang na palamuti. Base sa aking obserbasyon at siguro’y maging kayo’y makapagpapatunay na mas lalong bumaba ang kalidad ng serbisyo ng tubig sa lalawigan ng Camarines Norte.

Siguro ay routine na ng ilan sainyo na gumising ng maaga upang maligo habang malakas pa ang pressure ng tubig sa kanilang mga gripo. Kasabay nang pagpatak ng alas-sais ng umaga ay ang siya ring paghina o pagkawala ng patak ng tubig. Ang tanging nananatiling malakas ay ang pagpatak ng metro at bayarin ng libo libong mamamayan kapalit ng isang ga-patak na serbisyo.

Marahil ang ilan rin sainyo ay tinatamad na ring maghugas ng pinggan o di kaya’y maglaba. Sino ba naman ang gaganahan sa ga-patak na tubig na lumalabas sa kanilang mga gripo? Mas malakas pa ang buhos ng ihi ninyo kung ikukumpara sa pang-umagang supply ng tubig sa ilang parte ng lalawigan.

Ang paghina o minsana’y pagkawala ng tubig ay marahil bunsod na rin ng ilang factors tulad ng pagdami ng populasyon, pagsasaayos ng mga water pipes, o kaya nama’y dahil sa matinding init na ating naranasan nitong mga nakaraang buwan. Ano pa man ang rason, uncontrolled man o di kaya’y bunsod ng kapabayaan at mismanagement, hindi kailanman dapat maging parte ng long term na solusyon ang “pagtitiis”.

Uulitin ko, hindi lang rin tayo ang nakararanas ng mahinang supply ng tubig, mas malala pa rin ang sitwasyon ng ibang probinsya at siyudad sa ibang panig ng Pilipinas. Maswerte pa rin tayo kung tutuusin, ngunit wala tayong dapat ikatuwa o ipagpasalamat. Aminin natin at tanggapin ang kakulangan ng pagtugon sa mga nasabing serbisyo upang may maisaayos tayo.

Ito ang nakakalungkot na realidad, ang problema natin sa lalawigan ng Camarines Norte pagdating sa supply ng tubig at kuryente ay pasilip pa lamang ng mas malaking problema ng ating bansa pagdating sa pagtugon ng mga serbisyong ito.

Ang efficient na paghahatid ng serbisyo ng tubig at kuryente ay karapatan ng bawat mamamayan kung kaya’t kinakailangan nating mangialam at mangalampag sa mga kinauukulan upang mas maisaayos ang mga ito.

Bilang isang ordinaryo at responsableng mamayan ng Camarines Norte, wala tayong ibang magagawa kundi ang umasa at patuloy na mangalampag upang maisaayos ang mga problemang ito sa ating lalawigan.

Ang paghahanap ng solusyon sa mga ito ay responsibilidad ng mga board of directors, general managers, engineers at mga empleyado ng mga water service providers at electric cooperatives sa bansa kung kaya’t isang basurang argumento ang katagang “manahimik kung wala kang maisusuggest na solusyon”.

Ang pagbusal sa malayang pamamahayag at paglalabas ng sentimyento bunsod ng nararansang kakulangan o inconvenience sa pagtugon ng mga pangunahing serbisyo na siya ring karapatan ng bawat mamamayan ay isang kasuklam suklam na kasalanan sa prinsipyo ng demokrasya.

Kinakailangang magpatuloy ang mga makabuluhang argumento tungkol sa nabanggit na isyu upang hindi mabaon sa pagsasawalang bahala ang mga kapalpakan ng ilang mga electric cooperatives at water service providers. Kinakailangan nating bigyan ng pressure ang mga taong kasali sa magbibigay ng solusyon upang mas mapadali ang pagtugon sa problema.

Sa huli, patuloy pa rin tayong magtiwala sa kakayahan ng ating mga pinuno sa pagtugon ng mga pangunahing serbisyo sa bansa. Kaakibat nito, kailangan nating ipagpatuloy ag pagmamatyag at pagkalampag upang hindi mauwi sa masaklap na estado ang kalagayan ng ating pamayanan bunsod ng isang bulok na patak-sinding serbisyo.

Magbantay, mangialam, at maging parte ng solusyon!

 

Ano ang nais mong maging sunod na topic sa susunod na edisyon ng CNNews Editorials? Maari kayong magbigay ng suhestyon sa aming Facebook page at maging parte ng usapan at diskusyon sa pagtugon ng mga usaping kinakaharap ng ating lipunan.”

Email: blaiseilan6@gmail.com