Hulyo 8, 2019, Daet, Camarines Norte. Ilang buwan pa lamang matapos maitalaga bilang obispo ng Daet ay pormal na nahalal si Most Rev. Rex Andrew Alarcon bilang susunod na tagapamuno ng CBCP (Catholic Bishops Conference of the Philippines) Episcopal Commission on Youth. 

Ang CBCP Episcopal Commission on Youth ang isa sa mga pangunahing ahensya ng simbahang katolika sa Pilipinas na nag-oorganisa ng mga aktibidad para sa mga kabataang katoliko.

Ang nasabi ring ahensya ay naglalayong pagtibayin ang pananampalataya ng mga kabataan sa pamamagitan ng pagdadala sa mga ito sa mga katuruan ni Kristo at ng simbahan.

Sa pagkakahalal kay Alarcon bilang bagong mamumuno sa ahensya ay inaasahan ang espesyal na tungkulin na gagampanan nito sa Simbahang Katolika sa Pilipinas lalo na’t ipinagdiriwang ngayon ng simbahan ang Year of the Youth. 

Si Alarcon ay kabilang sa mga pinakabata at bagong miyembro ng CBCP. Ang CBCP ay ang kalipunan ng mga Katolikong obispo na responsable sa pamumuno o pamamahala sa mga diyosesis sa buong Pilipinas.

 

Blaise Henry E. Ilan 

Camarines Norte News