Hulyo 11, 2019, Daet, Camarines Norte. Nasasangkot ngayon sa kontrobersya si Ang Probinsyano Partylist Representative Alfred Delos Santos matapos umano nitong sapakin ang isang service crew ng isang fast food chain sa lungsod ng Legazpi, mga bandang 3:40 am ng madaling araw nitong nakaraang araw ng Lunes, Hulyo 8, 2019 .

Ayon sa CCTV footage ng naturang fast food chain, nakita kung paano sinapak ni Delos Santos ang service crew na si Christian Kent Alejo habang nagsisilbi ito sa lamesa ng kongresista at ng iba pang mga kasama nito.

Bunsod nito, umani ng samu’t saring kritisimo mula sa taumbayan ang nabanggit na kongresista matapos maging viral sa social media ang CCTV footage.

Pahayag naman ni Delos Santos, may nasabi umano ang service crew na hindi niya nagustuhan kung kaya’t hindi niya napigil ang kanyang sarili na manakit.

Gayunpaman, humingi na ng dispensa si Delos Santos dahil sa inasal nitong hindi maganda sa nasabing service crew. Humingi rin ng paumanhin at pangalawang pagkakataon ang kongresista sa taumbayan at sinabing lubos na niyang pinagsisisihan ang kanyang nagawa.

Samantala, nagkaayos na umano sina Delos Santos at Alejo matapos personal na humingi ng tawad ang kongresista sa pamilya ng service crew.

*video from youtube.com/sourced from The Philippine News FB Page

 

Blaise Henry E. Ilan 

Camarines Norte News