Hulyo 15, 2019, Daet, Camarines Norte. Ginugunita ngayong araw ng Hulyo 15, 2019 partikular na ng mga taga Camarines Norte ang ika-77 taong anibersaryo ng kamatayan ng bayaning si Wenceslao Q. Vinzons. Si Vinzons ay isa sa mga magigiting na Pilipino na namuno ng himagsikan laban sa mga Hapones noong ikalawang digmaang pandaigdig. 

Ipinanganak noong Setyembre 28, 1910 sa bayan ng Indan, Camarines Norte (ngayon ay bayan ng Vinzons), si Vinzons ay maagang kinakitaan ng katalinuhan kahit na sa mura pa lamang nitong edad.

Nang siya ay nasa kolehiyo na, si Vinzons ay naging Presidente ng UP (University of the Philippines) Student Council kasabay nang pagiging Editor in Chief ng Philippine Collegian, ang opisyal na pahayagan ng Unibersidad ng Pilipinas.

Bukod sa mga ito, si Vinzons rin ay isang Champion Debater. Kalaunan, ang kanyang galing sa pananalita ay kanyang nagamit matapos siyang tanghalin bilang pinakabatang miyembro ng Constitutional Convention noong taong 1934 hanggang 1935.

Noong 1940, si Vinzons ay nahalal bilang Gobernador at kalauna’y Kongresista ng lalawigan ng Camarines Norte. Nang dumating ang mga Hapones sa bansa, iniwan ni Vinzons ang kanyang komportableng buhay sa pulitika upang sumama sa pag-aaklas ng mga rebolusyonaryo.

Hulyo 15, 1942, si Vinzons ay karumal-dumal na pinagsasaksak ng mga sundalong Hapones matapos itong tumangging sumumpa ng katapatan sa bansang Hapon.

Ang pagsasakripisyo ng bayaning si Wenceslao Q. Vinzons kapalit ng kanyang tahimik na pamumuhay sa akademiya at pulitika ay isang inspirasyon saating lahat upang palaging isipin at isaalang-alang ang kapakanan ng bansa sa lahat ng panahon.

 

Blaise Henry E. Ilan 

Camarines Norte News