Hulyo 17, 2019, Daet, Camarines Norte. Isa ang patay habang dalawa naman ang sugatan matapos araruhin ng isang pampasaherong bus ang isang bahay sa Purok 6, Barangay San Felipe sa bayan ng Basud kaninang 10:30 ng umaga.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, patungo sa bayan ng Daet ang nasabing bus nang mawalan ng kontrol ang driver sa minamaneho nitong sasakyan habang papaliko sa kurbadang porsyon ng National Highway. Dahil dito, dumiridiretso ang bus sa isang bahay na siyang nagresulta sa pagkamatay ng isang ginang.

Dead on the spot ang biktimang si Eleonor Corea na nagkataong nasa kanilang bahay ng mangyari ang aksidente. Samantala sugatan naman ang driver ng bus kabilang ang isang hindi pa nakikilalang pasahero.

Bukod sa pagkasawi ng isang ginang, hanggang sa kasalukuyan ay tinataya pa ang halaga ng mga napinsalang ari-arian bunsod ng nabanggit na aksidente.

Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng bus para sa ilan pang mga kaukulang disposisyon.

photo by Ping Bondad

 

Blaise Henry E. Ilan 

Camarines Norte News